Kabuuang 9,300 runner, sa pangunguna nina Cesar Castaneto at Lany Cardona, ang sumagot sa hamon ng katatagan sa pagbubukas ng 40th National MILO Marathon kahapon, sa ginanap na Dagupan leg sa Pangasinan.
Naidepensa ni Castaneto ang korona nang muling pagbidahan ang men’s division sa tyempong isang oras, 11 minuto at 23 segundo kontra kina Julius Sermona (01:13:38) at Hernane Sore (01:14:56).
Sa distaff side, nagwagi si Cardona sa naitalang bilis na 01:31:48 kontra kina Shane Acosta (01:42:27) at Eunice Lata-an (01:44:11).
Bukod sa premyong P10,000 cash at tropeo, kuwalipikado ang dalawa sa National Finals para sumabak sa MILO King and Queen title. Gaganapin ang Finals sa Disyembre 6, sa Iloilo City.
“I am grateful for all the motivation Cristabel has been giving me,” pahayag ni Castañeto, patungkol sa kanyang ensayo katuwang si dating SEA Games champion Cristabel Martes.
“All her coaching, tips and advice has pushed me to focus and persevere in my training,” aniya.
Mula elementarya nakikibahagi si Castañeto sa National MILO Marathon at nagbunga ang kanyang pagpupursige sa napagwagian leg title, gayundin ang dalawang silver medal sa nakalipas na Philippine National Games.
Ikatlong kampeonato ni Cardona, 25, mula sa Lingayen, ang panalo at inaasahang magiging pambato siya sa Finals. Bahagi ng kanyang pagsasanay ang paglahok sa abroad at nitong Hunyo ay nagwagi siya ng gintong medalya sa Phuket International Marathon.
“I was not expecting to win because I am not that prepared for this leg. I did not have enough time to train,” pahayag ni Cardona. “I will now train for the Singapore Marathon and Hong Kong Marathon, which will also prepare me for the MILO Marathon National Finals in December.”
Ginagamit din ang torneo bilang traning ground ng mga miyembro ng National Team, kabilang si two-time SEA Games gold medalist Christopher Ulboc na sumabak sa 10K race at sumegunda sa men’s category.
“I participate in the MILO Marathon often to prepare for the international races I join,” sambit ni Ulboc. “It really helps me improve my time, endurance and race performance.”
Ang mga susunod na karera ay nakatakda sa Tarlac sa Hulyo 24 kasunod ang Metro Manila (July 31), Batangas (August 7), Lucena (August 14), Naga (August 28), Tagbilaran (September 18), Cebu (September 25), Dumaguete (October 2), Davao (October 9), General Santos (October 16), Cagayan De Oro (October 23), at Butuan (October 30).