Sa kauna-unahang pagkakataon, makalipas ang napalitang administrasyon, makatatapak sa Malacanang ang atletang Pinoy para tanggapin ang papuri at suporta kay Pangulong Duterte bago ang kanilang pagsabak sa Rio Olympics.
Tapik sa balikat ng mga atleta, nagkwalipika sa Rio Games matapos ang pahirapang qualifying meet na nilahukan, ang paglalaan ng panahon ng Pangulo bago ang kanilang pakikipagtagisan ng husay at lakas para sa minimithing gintong medalya sa quadrennial meet.
Sa kasaysayan ng paglahok ng bansa sa Olympics, ang silver medal na huling pinagwagian ni boxer Mansueto ”Onyok” Velasco noong 1996 Olympics sa Atlanta ang pinakamataas na tinapos ng Pinoy sa pinamalaking paligsahan sa mundo.
“We’re very, very happy and excited. For the first time, nakatikim uli kami ng sendoff sa Malacañang. Nakatutuwa dahil talagang sinuportahan namin si Presidente Digong dahil alam namin na kakampi siya ng mga atleta. Hindi naman kami nabigo,” pahayag ni SEAG long jump record holder Marestella Torres-Sunang.
Kabilang ang 34-anyos na multi-titled na si Torres sa anim sa 11 kuwalipikadong atleta sa Rio Olympics ang magbibigay ng courtesy call kay Pangulong Duterte ganap na 2:30 ng hapon sa Malacañang.
Sasamahan sila ng bagong Philippine Sports Commission (PSC) Board na binubuo nina chairman William ”Butch” Ramirez at commissioner Ramon Fernandez, Celia Kiram, Arnold Agustin, at Charles Maxey.
Inaasahang manunumpa na rin ang limang opisyal kay Digong.
Hindi makakasama si marathoner Mary Joy Tabal na kasalukuyang nasa training camp sa Japan, habang nagsasanay din sa US sina boxer Rogen Ladon at Charly Suarez.
Kabilang naman si Ian Lariba ng table tennis sa Team UAAP-Philippines na sumasabk sa ASEAN University Games, habang si Kirstie Elaine Alora ng taekwondo ay nagsasanay sa Korea.
Makakasama naman sa Malacañang si Eric Shauwn Cray na sasabak sa 400m hurdles ng athletics at sina Hidilyn Diaz at Nestor Colonia sa weightlifting.
Nasa listahan din si golfer Miguel Tabuena at swimmer na sina Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkaide na nabigyan ng slots sa Rio sa pamamagitan ng “universality policy “ ng FINA. - Angie Oredo