ZAMBOANGA CITY – Sampung miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay at ilang iba pa ang pinaniniwalaang nasugatan sa serye ng airstrike na inilunsad ng 15th Strike Wing ng Philippine Air Force (PAF) sa siyudad na ito, makaraang paigtingin ng militar nitong Biyernes ang kanilang Focus Military Operations (FMO) laban sa mga bandido sa Basilan.

Ayon sa militar, inatake ng mga MG20 helicopter ang Sitio Bohe Buug sa Barangay Baguindian sa Tipo-Tipo, Basilan, nitong Biyernes at nasapol ang grupo ng Abu Sayyaf sub leader na si Ubaib at ang 37 armadong tauhan nito.

Nasawi sa airstrike ang 10 sa mga bandido, ayon sa source.

Kinilala ng militar ang ilan sa mga napatay sa Abu Sayyaf na sina Abu Amil, Abu Gabuh, Abu Amer, ang kumander na si Sibin, at isang hindi nakilalang may hawak ng .50 caliber machine gun.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng lima pang miyembro ng Abu Sayyaf, habang anim na iba pa ang napaulat na nasugatan sa airstrike, ayon sa source.

Aniya, namataan ang grupo nina Isnilon Hapilon at Furuji Indama habang papatakas mula sa grupo ni Ubaib matapos na ikasa ang airstrike.

Kalaunan, sumama ang grupo ni Ubaib sa grupo nina Hapilon at Indama.

Tinatayang nasa 300 ang mga armadong bandido na nagtatago ngayon sa kagubatan ng Tipo-Tipo. (Nonoy E. Lacson)