ANKARA/BRUSSELS (Reuters) – Nasaksihan ng mundo ang isang kudeta na istilong 20th century, na epektibong napigilan ng teknolohiya ng 21st century at pagkakaisa ng mamamayan.
Nang tinangka ng tradisyunal nang estilong militar na “Peace Council” na patalsikin sa puwesto si Turkish President Tayyip Erdogan at ang kanyang gobyerno nitong Biyernes ng gabi, nagmistulang ipinakikipaglaban ng mga rebeldeng heneral at koronel ang kanilang huling digmaan.
“This coup was obviously planned quite well but using a playbook from the 1970s,” sabi ni Gareth Jenkins, isang researcher at manunulat sa usaping militar na nakabase sa Istanbul.
Inilunsad ng mga rebelde ang kudeta nitong weekend habang nakabakasyon ang presidente sa isang holiday resort. Kinubkob nila ang pangunahing paliparan, hinarangan ang isang tulay sa Bosphorus sa Istanbul, nagpadala ng mga tangke sa parlamento at sa Ankara, kinordon ang mga pangunahing kalsada, at nagsahimpapawid ng pahayag sa TRT state television para magdeklara ng curfew at pinayuhan ang mamamayan na manatili sa bahay.
Ngunit nabigo silang makumbinse ang sinuman sa mga opisyal ng AK Party o ipasara ang kahit isang pribadong telebisyon, ang mobile phone signals o social media networks, kaya naging madali para sa kampo ni Erdogan na manawagan sa mga tagasuporta nito upang magtipun-tipon sa lansangan at tutulan ang kudeta sa pamamagitan ng FaceTime, Twitter, at iba pang social media.
Ang pinakamalaking kapalpakan ng coup plotters, ayon sa Turkish analyst na si Sinan Ulgen ng Carnegie Europe think tank, ay ang pagkilos nito sa labas ng military chain of command at ang kawalan ng sapat na plano upang makuha ang kontrol sa mga sentro ng kapangyarihan ng bansa.