SINGAPORE – Nakumpleto ng Team UAAP-Philippines, kinatawan ng Ateneo, ang dominasyon sa host Singapore, 25-15, 25-19, 25-18, para makopo ang bronze medal sa 18th ASEAN University Games volleyball competition kahapon, sa National University of Singapore Sports and Recreation Hall.
Dinikdik ni Ysay Marasigan mula sa tossed ni setter Ish Polvorosa ang bola para sa pinakamatikas na spike na nagbigay ng huling puntos para sa Pinoy spikers at makasama sa podium sa torneo para sa mga estudyanteng atleta sa rehiyon.
Ito ang ikalawang panalo ng Blue Eagles sa Singaporean na ginapi rin nila sa elimination round. Nabigo ang Pinoy na makasabak sa gold medal nang matalo sa Indonesia sa four-set game sa cross-over semifinal nitong Biyernes.
Matikas na nakihamok ang host team na pinalakas ang loob ng crowd na sumugod sa venue, ngunit sapat ang katatagan ng Blue Eagles para maisalba ang laro at maiuwi ang karagdagang medalya sa kampanya ng Team Philippines.
Pinangunahan ni UAAP Most Valuable Player Marck Espejo ang hataw ng Ateneo sa unang set para sa 18-11 bentahe mula sa huling pagtabla sa 7-all.
Sa final set, nagawang makadikit ng Singaporean sa 15-19, ngunit nagbaba ng limang sunod na puntos ang Blue Eagles para sa match point. Nakaganti ng tatlong puntos ang host bago ang pamatay na spike ni Marasigan.
Tinapos ng Ateneo ang elimination na may 2-2 karta. Natalo lamang ang Pinoy sa finalist Thailand at Indonesia.