Mga laro ngayon

(Smart Araneta Coliseum)

4 n.h. – Phoenix vs San Miguel Beer

6:15 n.g. – Alaska vs Meralco

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Target ng Meralco Bolts na masundan ang matikas na opening day win sa pagsalang kontra Alaska sa pagbabalik–aksiyon ng OPPO-PBA Governors Cup ngayon, sa Smart-Araneta Coliseum.

Magtutuos ang Aces at ang Bolts, galing sa 108-103 panalo kontra Phoenix, ganap na 6:15 ng gabi matapos ang salpukan sa pagitan reigning champion San Miguel Beer at ng Fuel Masters sa 4:00 ng hapon.

Muling sasandigan ng Bolts ang import na si Allen Durham na inihahalintulad ni coach Norman Black sa kanyang mga kasabayang import na sina Billy Ray Bates at yumaong Bobby Parks. Nagposte si Durham ng 32 puntos, 22 rebound at limang assist sa impresibong debut sa natatanging pro league sa Asia.

“He reminds me of Billy Ray Bates and Bobby Parks, he’ s a solid import,” pahayag ni Black.

Masusukat ang kanyang tikas sa pagsabak kontra kay Aces import Henton LaDontae, produkto ng Providence Friars at huling naglaro sa Spain bago nagdesisyon na sumabak sa Pilipinas.

Mauuna rito, pangungunahan naman ng kanilang resident import na si Arizona Reid ang depleted roster ng defending champion Beermen sa pagsalang kontra Fuel Masters, umaasang makababawi sa kabiguang natamo sa Bolts.

Hindi makakalaro para sa Beermen sina Arwind Santos, Gabby Espinas, Chris Lutz, at Yancy de Ocampo. Kapwa inoperahan sa tuhod sina Santos at Espinas habang may iniindang pananakit sa likod sina Lutz at De Ocampo.

Gayunman, magbabalik naman para sa kanilang title retention bid sina Junemar Fajardo, Alex Cabagnot, at Chris Ross.

Magsisikap namang bumangon sa natamong unang kabiguan ang tropa ni coach Ariel Vanguardia sa pamumuno nina import Marcus Simmons, Asian import Gwan Her Lee, Mick Pennisi, Ronjay Buenafe, John Wilson, at ang bagong lipat na si Cyrus Baguio. (Marivic Awitan)