LUMIHAM sa’kin ang isang tagasubaybay na si Ellaine B. tungkol sa kanyang pinagdaraang problema matapos siyang hiwalayan ng kanyang mister na naging dahilan ng pagkakaroon ng poot sa kanyang puso.
Hayaan ninyong ibahagi ko ito, n a sana ay makatulong sa kanya at sa ibang tao na ganito rin ang pinagdadaanan.
May isang babae na nagpunta sa isang therapist at inilabas niya ang kanyang bigat ng nararamdaman at sama ng loob na idinulot ng isang tao.
Sobra niyang lungkot. Ang dahilan ng kanyang depresiyon ay dahil hindi naging matagumpay ang pagsasama nila ng kanyang asawa at hindi niya magawang kalimutan ito. Nagtanim siya ng galit sa dati niyang mister.
BRICK THERAPY. Sa counseling sessions, hindi siya matutulungan ng traditional therapy. Kung kaya’t nagbigay ng suwestiyon ang counselor ng kakaibang paraan. Ipinahawak ng counselor ang ladrilyo sa babae, sinabing ito ang sumisimbolo sa dati niyang relasyon. Inatasan ang babae na ilagay ito sa kanyang pitaka sa loob ng pitong araw.
Habang tumatakbo ang araw, ang pitaka ng babae ay pabigat nang pabigat, sa pagbibitbit ng ladrilyo sa loob ng isang linggo, hindi nagtagal ay naunawaan din niya ang nais iparating ng kanyang therapist, at ito ay lalo lamang tayong mahihirapan kung hindi natin bibitiwan ang mga negatibong bagay na nagpapabigat sa ating pang-araw-araw na buhay.
Matapos noon, handa na ang babae na bitiwan ang mga bigat na nararamdaman at nagdesisyong tuldukan ang problema sa pamamagitan ng pagtapon sa ladrilyo. Nagawa niyang kalimutan ang nasirang relasyon sa dating asawa at inalis ang mga pabigat sa kanyang kalooban, dahilan upang siya’y makapag-MOVE ON sa pagharap sa panibagong yugto ng kanyang buhay.
Sa buhay na ating ginagalawan, dadaan at dadaan tayo sa pasakit at masusugatan, gaya ng problema sa kuwento na nahiwalay sa asawa.
Maaari rin itong pagkamatay ng mahal sa buhay, naluging negosyo, ang pagliligawan na hindi natuloy, at pang-iinsulto.
Ito ay mga normal na karanasan para sa ating mga tao. Ang problema lamang ay patuloy na dinadala ng mga tao ang bigat ng problema at galit. Ang emosyonal na bagahe ay nagiging sobrang bigat habang tumatagal. (Fr. Bel San Luis, SVD)