MATAGAL nang nagdurusa ang industriya ng turismo sa Pilipinas kumpara sa ating mga kalapit-bansa sa Asia, partikular ang Malaysia, Thailand, at Singapore. Ang problema ay hindi ang negatibong pagkakakilala sa bansa kundi ang hindi pagkakabatid ng tungkol sa atin, ayon sa mga taong nasa likod ng kampanyang “It’s More Fun in the Philippines” ng Department of Tourism.
Dapat na makatulong ang ulat tungkol sa “World’s Best Islands” na inilathala ng Travel + Leisure Magazine ng New York sa problema ng hindi gaanong pagkakakilala sa bansa. Hiniling ng magazine sa mga mambabasa nito na suriin ang mga dinadayong isla sa mundo sa taunang survey nito, at i-rate ang mga lugar batay sa mga aktibidad, tanawin, likas na ganda, dalampasigan, pagkain, mainit na pagtanggap ng mga tao, at pangkalahatang katangian.
Ang resulta: Nanguna ang Palawan bilang World’s Best Island, matapos makakuha ng iskor na 93.71. Sinusundan ito ng Boracay, sa ikalawang puwesto, na may 90.47. Nasa ikaanim na puwesto naman ang Cebu sa sampung pinakamagagandang isla sa mundo, na may 88.65. Pasok din sa listahan ang iba pang mga isla, gaya ng Ischia sa Italy, ikatlo; Waiheke sa New Zealand, sa ikaapat; Santorini sa Greece, ikalima; Maui sa Hawaii, United States, ikapito; Hilton Head sa South Carolina sa United States, ikawalo; Kauai sa Hawaii sa Amerika, ikasiyam; at Bali sa Indonesia, sa ikasampung puwesto.
Natural lamang na masiyahan ang Department of Tourism sa ulat. “The Philippines’ predominance shows that discerning travellers are willng to travel great distances for the rewards of clear waters and sugary white beaches,” ayon sa magazine.
Ang likas na ganda ng bansa ay bahagi lamang ng dahilan kung bakit namayagpag tayo sa island survey. Ikinonsidera rin ang masasarap na pagkain, ang mayaman at makulay na kultura, at higit sa lahat, ang mabuting pakikitungo ng mga tao na matagal nang kilala sa mainit na pagtanggap sa mga bisita at estranghero.
Tatlo sa ating mga isla ang pumasok sa respetadong listahan—at marami pang gaya ng mga ito sa ating kapuluan na binubuo ng 7,107 isla. Sa mga ulat na gaya nito, dapat na nating asahan ang tuluy-tuloy na pagtaas ng bilang ng mga turistang bibisita sa bansa sa mga susunod na taon habang patuloy na natutuklasan ng mundo ang magagandang nating isla at mapatunayan sa kanilang sarili na totoong higit na masaya sa Pilipinas.