MARAPAT lang na tumalima ang China sa mga pandaigdigang panuntunan, gaya ng ibang bansa. Ito ang naging babala ni United States Vice President Joe Biden kasunod ng desisyon ng arbitral tribunal, na suportado ng United Nations, laban sa pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea.

Walang personal na inaangkin ang United States sa lugar, ngunit iginiit na ang lahat ng maglalayag, partikular ang mga kargamentong may kinalaman sa kalakal, ay may karapatang dumaan sa mga karagatang itinuturing na international waters.

Una na itong nagtalaga ng mga aircraft carrier at ilan pang barko upang igiit ang malayang paglalayag sa South China Sea, na dinadaanan ng ikatlong bahagi ng pandaigdigang kalakal na petrolyo.

“We expect China to play by the same rules as everyone else,” sinabi ni Biden sa panayam ng pahayagang Sydney Morning Herald na inilathala kahapon, tinukoy ang international rules-based system na sinasaklawan ang mga pag-angkin sa mga teritoryo sa karagatan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Idinagdag ni Biden na “we’re urging both China and the Philippines to abide by the ruling”.

Iginigiit ng Beijing ang soberanya nito sa halos kabuuan ng estratehikong South China Sea, sa kabila ng pag-angkin din sa ilang bahagi nito ng mga kalapit-bansa ng China sa Southeast Asia, partikular ang Pilipinas, ang kaalyado ng United States na nagdulog sa usapin sa tribunal.

Ang mga pag-angkin ng China, na sinasaklaw maging ang karagatan ng mga kalapit nitong bansa, ay ibinatay nito sa “nine-dash-line” na matatagpuan sa isang mapa ng China na inilathala noong 1940s.

Nitong Hulyo 12, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague na batay sa kasaysayan ay walang karapatan ang China sa mga likas na yaman sa lugar, isang pasya na mariing tinutulan ng Beijing.

Dumating sa Australia kahapon para pangunahan ang alyansa ng sandatahan ng Washington at Canberra, sinabi ni Biden na mahalagang mapanatili ang kalayaan sa paglalayag sa lugar.

Ayon kay Biden, tumutulong ang United States “with Australia, and countries throughout the region, to insist that the liberal international order be maintained as it relates to sustaining the free flow of commerce—keeping sea lanes open and the skies free for navigation”.

Una nang inilarawan ng tagapagsalita ng United States State Department ang naging desisyon ng arbitral tribunal na “final and legally binding”, habang inihayag naman ni Australian Foreign Minister Julie Bishop na itinataya ng Beijing ang reputasyon nito sa pagbalewala sa nasabing pasya. (Agencé France Presse)