SA Bibliya, may kuwento na tinalo at napatay ng maliit na si David ang malaki at mala-higanteng si Goliath. Malakas at mataas si Goliath kumpara kay David na isang ordinaryong tao na ordinaryo rin ang taas at lakas. Ang ginamit niya sa pagpatay sa higante ay isang tirador na ang bala ay bato na nagpalugmok kay Goliath.
Ganito rin marahil ang magiging kuwento sa panalo ng maliit at walang puwersang Pilipinas laban sa dambuhalang China sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). Pinaboran ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang isinampang kaso ng ‘Pinas laban sa pangangamkam ng China sa halos kabuuan ng WPS o South China Sea (SCS) at kinontra ang claim nito sa tinatawag na nine-dash line.
Noong Martes, ipinasiya ng PCA o ng Arbitral Tribunal na walang historic title ang dragong China sa WPS-SCS at nilabag nito ang sovereign rights ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) sa pakikialam at paghadlang sa Philippine fishing at petroleum exploration. Sa tagumpay ng ‘Pinas versus dragon (China), nararapat lang marahil na ibigay ang kredito sa Aquino administration, kabilang si ex-DFA Sec. Albert del Rosario, nagpursige upang ilahad sa mundo ang karapatan ng ating bansa sa WPS. Mabuhay ka, PNoy. Mabuhay ka tukayo!
Samantala, naniniwala ang Duterte administration na sa kabila ng tagumpay ng ‘Pinas, dapat isulong ang diplomasya at angkop na pakikipag-ugnayan sa China na daan-daang taon nang kapitbahay natin. Sabi nga ni DFA Perfecto Yasay, dapat magpamalas ang mga Pinoy ng “restraint and sobriety” at iwasan ang pagyayabang bunsod ng tagumpay.
Ganito ang sustansiya ng ruling o hatol ng Arbitral Tribunal na naka-base sa The Hague, Netherlands: 1. Ang claim ng China sa reosurces sa West Philippine Sea ay incompatible o hindi naaalinsunod sa EEZ ng Pilipinas; 2. Ang WPS o SCS ay bahagi ng high seas, hindi ito saklaw ng historic right na inaangkin ng China; 3. Ang high-tide features sa Spratlys ay mga bato lang at hindi maituturing na EEZ; 4. Ang artificial islands o ang mga ginagawang isla ng China mula sa nakalubog na mga bato ay insignificant features na walang maritime zones; at 5. Nilabag ng China ang United Nations Convention of the Law of Sea (UNCLOS) sa pamamagitan ng agresibong mga aksiyon habang dinirinig ang proseso ng settlement o isyu sa WPS-SCS.
Sa tagumpay na ating bansa hinggil sa isyu ng mga teritoryo sa Spratlys, matigas pa rin ang ulo ng dragong China na hindi susundin ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration. Hindi umano kinikilala ng dragon ang hurisdiksiyon ng PCA at mananatili ito sa WPS-SCS.
Gayunman, isang moral victory ang natamo ng Pilipinas sa pangyayaring ito, at sana naman ay payagan ng China na makapangisda ang ating mga fisherman sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) na napakalapit sa Masinloc, Zambales at napakalayo sa pinakamalapit na isla ng China. Anyway, ang China ay talagang kaibigan naman natin noon pa man.
(Bert de Guzman)