‘Big Four’ ng tennis, lalaro sa Rio Olympics.

LOS ANGELES (AP) – Kung ang golf ay tinalikuran ng world top four player, kakaiba ang mainit na pagtanggap ng “Big 4” ng men’s tennis sa Rio de Janeiro Olympics.

Inaasahan ang pagtaas ng tiket sales sa takilya ng Olympic tennis event matapos magpahayag ng kanilang kahandaan na makikiisa sina world No.1 Novak Djokovic, No.2 Andy Murray, No.3 Roger Federer, at world No.4 Rafael Nadal.

Bawat isa ay may karanasan na sa Quadrennial Games at pawang nagsipagwagi na rin ng medalya. Sa kabila nito, may pananabik sa kanilang damdamin na makabalik sa tinaguriang “Greatest sports show” at makipagtagisan ng husay sa kabila ng kanilang katayuan bilang Grand Slam champion.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“I’ve loved being in the two Olympics that I’ve been at,” sambit ni 2016 Wimbledon champion Murray, nagwagi ng gintong medalya sa singles sa 2012 London Games. “Rio is obviously a big, big goal of mine, and hopefully I can perform well there.”

Nakopo ni Djokovic ang bronze medal sa 2008 Beijing Games, ngunit kinapos sa medal round sa London Games kung kaya’t matindi ang paghahangad ng Serbian star na makabalik sa Olympics para sa inaasam na gintong medalya.

Hindi pa nakakuha ng gintong medalya si Federer sa men’s singles, subalit nakapagwagi siya para sa Switzerland sa doubles kasangga si Stan Wawrinka sa Beijing at silver sa singles sa London.

Matikas naman ang marka ni Nadal, kampeon sa singles para sa Spain sa 2008 Games sa Beijing, subalit nagmintis siyang maidepensa ang korona sa London matapos mapinsala ang balikat. Sa kanyang paglahok sa Rio, nakiusap pa ang 12-time Grand Slam champion sa International Tennis Federation (ITF) para payagan siyang makalaro matapos kapusin sa kanyang gawain sa Davis Cup.

Sa kabila ng pinagsamang 46 Grand Slam title, napakahalaga ng Olympics para sa apat na kampeon.

Taliwas ang damdamin ng apat sa ilang world ranked golf player, kabilang na ang top four na sina No.1 Jason Day, No.2 Dustin Johnson, No.3 Jordan Spieth, at No.4 Rory McIlroy.

Umayaw ang apat na makibahagi sa Rio Games bunsod ng takot sa Zika virus. Lalaruin ang golf sa Olympics sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1904 kung kaya’t nakapanlulumo para sa sports fans at sa Olympic family ang pagkawala ng mga bituin sa golf.

“Olympic Games are the most renowned and most prominent sports event in the history of sport. No question about it. There is no bigger sports event than Olympic Games,” pahayag ni Djokovic.

“For me, as a professional athlete, it’s a huge honor to be part of it,” aniya.

Anim sa top 20 sa men’s singles ng ATP ranking ang hindi makakalaro sa Rio, kabilang sina Wimbledon runner-up Milos Raonic ng Canada; American John Isner; Australia’s top two netter na sina Nick Kyrgios at Bernard Tomic; gayundin si Dominic Thiem.

Kung papalarin sa women’s singles title, sino man sa magkapatid na Serena (34) at Venus (36) Williams ang tatanghaling pinakamatandang player na nagwagi ng Olympic gold sa tennis.

Nagwagi si Winifred McNair sa edad na 43 noong 1920 sa women’s doubles para sa Britain. Katambal niya si Hazel Wightman na 37-anyos nang panahong iyon.