Hinihiling ng isang kongresista na magsiyasat ang Kamara tungkol sa umano’y substandard housing units o kulang sa kalidad na mga pabahay para sa mga pulis at sundalo.
“All socialized housing projects of the Government must conform to the highest standards to ensure the quality and sustainability of the housing units,” ayon kay Magdalo Party-list Rep. Gary C. Alejano.
Naghain siya ng isang resolusyon na nag-aatas sa kinauukulang komite ng Kamara para imbestigahan ang substandard housing units na ipinatayo ng National Housing Authority (NHA) para sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Aniya, ang NHA ay may mandato na ipatupad ang AFP/PNP Housing Program, isang flagship program ni ex-Pres. Noynoy Aquino, na ang layunin ay pagkalooban ng permanennteng pabahay at security of tenure ang mga sundalo at pulis na mababa ang sahod.
Gayunman, binanggit niya na sa isang site inspection na personal na ginawa sa Baras, Rizal at Manolo Fortich, Bukidnon, naobserbahan ng inspecting group na kinabibilangan ng miyembro ng Kongreso, ang umano’y inhumane housing environment para sa mga kawal at sundalo. (Bert de Guzman)