Malagim ang naging kamatayan ng isang barangay chairman at tatlo niyang kaanak matapos ratratin ng mga armado ang sinasakyan nilang kotse hanggang sa magliyab ito noong Biyernes ng hapon, na ikinasugat din ng asawa at apo ng opisyal, sa Sto. Tomas, Isabela.
Sa impormasyong tinanggap ng Balita mula kay Insp. Randy Tulinao, deputy chief ng Sto. Tomas Police, sinabi niya na may matinding galit ang salarin sa pamilya at inaalam din kung may kaugnayan ito sa pulitika.
Nasawi si Montano Zipagan, incumbent chairman ng Barangay Caiogan Abajo Sur, Sto. Tomas; mga anak niyang sina Joylyn Mabbayad; 23, Ira Shane Zipagan 12; at Jelaine Zipagan, walong taong gulang.
Sugatan naman ang asawa ng chairman na si Benita Zipagan; at apo nilang si Joy Therese Joy Mabbayad, isang taong gulang.
Dakong 5:15 ng hapon nitong Biyernes, pauwi at minamaneho ni Montano ang kanyang kotse (UKL-391) kasama ang kanyang pamilya nang paulanan sila ng bala ng mga armadong nakasuot ng bonnet sa municipal road sa Bgy. Caiogan Abajo Sur.
Sa dami ng ipinutok sa kotse ng mga biktima, nagliyab ang kotse at nasunog ang tatlo sa mga nasawi, maliban sa chairman, na binawian ng buhay sa ospital.
Nasa 100 basyo mula sa M-16 armalite rifle at .45 caliber pistol ang natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.
(Liezle Basa Iñigo)