Kinumpirma kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na may lumutang nang dalawang testigo laban sa limang police general na inaakusahang protektor ng illegal drug trade.

Ang hindi pinangalanang testigo ay humihiling umano ng proteksiyon sa pamahalaan bago magsalita.

“Hindi muna sila ilalabas dahil nanganganib ang kanilang buhay,” sinabi ni Aguirre sa idinaos na Department of Justice (DoJ) forum sa Lucena City, kasama si Quezon 3rd District Rep. Danilo E. Suarez.

Nasa proseso na umano ng pagsailalim sa witness protection program ng mga testigong tatayo laban sa limang heneral.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang mga nasabing testigo ay responsable umano sa pangungolekta ng protection money mula sa mga drug lord.

Sinabi ni Aguirre na humihiling ng proteksiyon ang mga testigo “Kung puwede silang ilagay sa witness protection program, otherwise, ‘pag sila ay pumunta sa lugar na delikado, hindi tatagal ng tatlong minuto ang buhay ko, patay ako”, pagbigkas ni Aguirre sa pahayag ng mga testigo.

Magugunita na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga heneral na protektor umano ng ilegal na droga, kabilang dito sina retired Deputy Director General Marcelo Garbo, retired Chief Supt. Vicente Loot, Chief Supt. Bernardo Diaz, Director Joel Pagdilao at Chief Supt. Edgardo Tinio.

Itinanggi naman ng mga ito ang alegasyon. (Danny J. Estacio)