Dinagsa kahapon ng mga bagong botante ang mga lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa buong bansa.
Ito’y bunsod nang pagsisimula ng voters registration para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na idaraos sa Oktubre 31.
Ganap na 8:00 ng umaga nang magbukas ang local Comelec office kahapon para pagsilbihan ang mga bagong botante na maaga pa lamang ay pumila na upang magparehistro.
Maaga pa lamang ay marami ng mga botante ang pumila sa local election office upang magpatala at kapansin-pansin na karamihan sa mga ito ay hakot ng mga taga-barangay.
Inaasahan naman ng Comelec na marami pang mga bagong botante ang dadagsa sa mga Comelec local offices para magparehistro lalo na’t dalawang linggo lamang ang inilaan nila para sa voters registration, o mula Hulyo 15 hanggang Hulyo 31.
Hinihikayat naman ng Comelec ang mga botante na huwag nang magpatumpik-tumpik upang hindi abutin ng mahabang pila sa mga huling araw ng pagpapatala.
Una na ring sinabi ni Jimenez na target nilang mairehistro ang anim na milyong bagong botante para sa BSKE, kabilang dito ang dalawang milyong regular-aged voters para sa Barangay elections at apat na milyong kabataan naman para sa SK elections.
Maaaring magparehistro ang mga Pinoy na may edad 18-anyos pataas para sa barangay elections habang ang mga kabataan namang nais makaboto sa SK polls ay dapat na may edad 15-anyos hanggang 17-anyos. (Mary Ann Santiago)