SA muling pagdalaw ng isang grupo ng ating mga kababayan kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, minsan pa nilang naitanong: “Kailan ba siya ihihimlay sa Libingan ng mga Bayani (LNB)?” Ang dating Pangulo ay 27-taon nang nakaburol sa isang refrigerated crypt sa Batac City, Ilocos Norte.

Ang nabanggit na katanungan ay mistulang sinagot ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sila’y magkausap ni dating Sen. Ferdinand Marcos, Jr. sa Davao City. Kung tama ang aking pagkakarinig sa radyo, tandisang ipinahiwatig ng Pangulo na ipalilibing niya sa LNB sa Setyembre ang dating Presidente.

Ang pahayag ni Duterte ay taliwas sa paninindigan ng lahat ng nakaraang administrasyon; mahigpit ang pagtutol ng mga dating Pangulong sina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal at Benigno Aquino na mailibing si Marcos sa LNB. Ang gayong pagtutol ay mariin namang sinalungat ng higit na nakararaming mamamayan.

Ang paninindigan ni Duterte, sa kabilang dako, ay sinasabing nakaangkla sa paniniwala na si Marcos ay naging isang Presidente at kawal ng Republika ng Pilipinas. Nangangahulugan na siya ay may karapatang maihimlay sa LNB.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bukod dito, marami ang naniniwala na ang mga nagawa ng Marcos administration ay higit na kapaki-pakinabang, lalo na kung ang mga ito ay ihahambing sa nakalipas na mga liderato. Hanggang ngayon ay makahulugan pa ang epekto ng mga programa sa larangan ng agrikultura, at mga pagawaing-bayan o public works projects.

Kailanman, ang mga ito ay tila hindi matatanggap ng nakalipas na mga administrasiyon. Laging nakalundo ang kanilang paninindigan sa talamak na paglabag sa karapatang pantao at sa walang pakundangang pagsimot ng salapi ng bayan noong panahon ni Marcos. Ang LNB ay hindi para sa isang diktador sapagkat ito umano ay isang sagradong lugar para sa mga nakidigma alang-alang sa tunay na pagmamahal sa bansa; ang mga medalya at ang mismong kabayanihan ni Marcos ay sinasabing pinagdudahan ng US military.

Ang naturang mga paniniwala ay laging nakakintal sa kamalayan ng mga salungat at sa mismong mga naging biktima umano ng malupit na martial law regime. Kabilang dito ang ilang kaalyado ni Duterte na hinirang sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Hindi nila kailanman matatanggap na ilibing si Marcos sa LNB.

Sa kabila nito, magbago kaya ng paninindigan si Duterte? Tanong nga ng isang kapatid sa media: “Mabali kaya ang utos ng hari?” (Celo Lagmay)