SA isang bahagi ng pagkilala ng pamahalaan sa National Artist na si Carlos Botong Francisco, binanggit na ang National Artist na mula sa Angono, Rizal, na Art Capital ng Pilipinas, ay ang nag-iisang pintor na bumuhay sa nalimot na sining ng mural at nagtaguyod nito sa loob ng 30 taon. Sa mga likhang-sining ni Botong Francisco, ang mga kuwadro ng makasaysayang lumipas ay kanyang isinalin bilang malilinaw na tala ng katapangan ng mga ninuno ng ating lahi.
Hindi na malilimot, at mababanggit na halimbawa ang mural painting ni Botong Francisco na nasa Bulwagang Katipunan ng City Hall ng Maynila, ang mural painting ay may kaugnayan sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ay ipinagawa ni dating Gatpuno Mayor Antonio Villegas. Mababanggit ding halimbawa ang mural painting ni Botong Francisco tungkol sa “History of Philipine Medicine” o Ang Kasayayan ng medisina sa Pilipinas. Ang mural painting na ito ni Botong Francisco ay makikita sa main lobby ng Philippine General Hospital (PGH), sa Maynila. Ang nasabing mural painting ni Francisco ay makailang ulit nang nagkaroon ng restoration upang mapanatili ang orihinal at buhay na mga kulay at mga tauhan sa mural.
Sa pananaw naman ng mga taga-Angono, Rizal na kababayan ni Botong Francisco at kanyang mga kaibigan na nabubuhay at maging sa mga kilalang pintor sa Angono at sa iba pang bayan sa Rizal, si Francisco ay itinuring nilang folksaint.
Matapat na tagapagtaguyod ng mga proyektong pangkultura, sa mga tradisyon at sining noong ito’y nabubuhay pa. Ang nagawa at pamana ni Francisco ay ipinagpapatuloy ng kanyang mga kababayan. Hindi nalilimot bigyang-buhay at pahalagahan ang mga tradisyon at kaugalian na nag-ugat na sa kultura ng mamamayan.
Bukod sa mga mural painting ni Francisco na may kauganyan sa kasaysayan, tradisyon at kaugalian, may iginuhit din siyang religious paintings. Sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City, makikita ng mga nagsisimba ang kanyang painting na tungkol sa buhay ni Saint Dominic o Sto. Domingo, ang nagtatag ng Dominican Congregation.
Sa chapel naman ng Far Eastern University (FEU) sa Morayta, Maynila makikita ang mural painting tungkol sa Via Crucis o Way of the Cross. Tuwing Lenten Season, particular na tuwing Holy Week, ay dinadayo ito ng mga mag-aaral at iba pa nating mga kababayan at doon nila ginagawa ang kanilang Way of the Cross.
Sa simbahan ng St. Jerome Parish sa Morong, Rizal, na isa sa mga unang simbahan na itinayo ng mga paring misyonero noong 1586, ay makikita ang isa pang mural painting ni Francisco. Tungkol ito sa apat na Ebanghelista na sina San Marcos, San Lucas, San Mateo, at San Juan. (Clemen Bautista)