Patay ang isa sa mga miyembro ng Philippine Air Force (PAF) nang mabaril ng isang sea marshal, na tinangka niyang agawan ng baril, habang siyang pinapahinahon matapos magwala sa loob ng klinika ng isang barko sa karagatang sakop ng Maynila, kamakalawa ng madaling araw.

Nasawi bunsod ng mga tinamong tama ng bala sa katawan si SSG Ricardo Mones, 41, ng Barangay Ganado 1, Binan, Laguna.

Under custodial investigation naman ang itinuturong nakabaril sa biktima na si SPO1 Redentor Quinones, 39, nakatalaga sa Sea Marshal Unit ng Maritime Group sa Camp Crame, Quezon City, at residente ng 101 A. Lik Street, Bgy. Balongbato, San Juan City.

Batay sa ulat ni PO3 Joseph Kabigting ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nangyari ang insidente dakong 3:15 ng madaling araw sa loob ng klinika ng MV St. Therese of Child Jesus 2GO passenger ship.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Bago umano mangyari ang pamamaril ay napansin na ng mga pasahero ng barko na lasing na lasing at nanggugulo sa loob ng barko ang biktima.

Bunsod nito, nagdesisyon ang testigong si Eduardo Paches Jr. na humingi ng tulong sa roving sea marshal na si Quinones upang pakalmahin ang biktima.

Gayunman, sa halip umanong makinig sa mga tanong ng sea marshal ay nagmamayabang pa umano ang biktima na isa siyang miyembro ng Scout Ranger.

Sa kasagsagan ng pagtatalo ay tinangka umanong agawin ni Mones ang service firearm ng marshal na nauwi sa pag-aagawan ng baril ng dalawa hanggang sa pumutok ang baril ng ilang ulit na naging dahilan nang pagkabulagta at pagkamatay ni Mones.

Idinaong ng kapitan ng barko sa Berth 1, Pier 4, North Harbor, Tondo, Manila para maimbestigahan ng mga pulis ang insidente.

Boluntaryo ring sumuko sa mga awtoridad si Quinones, pati na rin ang kanyang .9mm service firearm na ginamit sa pamamaril. (Mary Ann Santiago)