Malabo nang makuha pa ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kabuuang P10.8 bilyon na dapat sanang nai-remit ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) base sa nakasaad sa batas na Republic Act 6847.
Ito ang malungkot na katotohanan na ipihayag ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez matapos nitong makausap ang kapwa Dabaweno na si PAGCOR Chief Andrea Domingo sa isang pagpupulong sa Malacañang.
“I was able to talk to the good PAGCOR chairman and she said we need to discuss the matter seriously. While we want to follow-up on what is due based on the law, meron din siyang sinabing rason,” pahayag ni Ramirez.
Ipinangako naman ni Domingo, ayon kay Ramirez na aayusin ng ahensiya ang sitwasyon para maibigay ang karampatang budget sa PSC.
Base sa batas na nagbuo sa PSC, nararapat na maibigay ng PAGCOR ng kabuuang 5% sa gross income nito na nakatuon para sa pagpopondo sa mga pambansang atleta sa ilalim ng National Sports Development Fund (NSDF). Ngunit, sa nakalipas na mga taon, halos 2.5 lamang ang naire-remit sa sports.
Nauna nang nagsumite ng reklamo sa Supreme Court at dating Pampanga Representative at dating House committee on Sports chairman Yeng Guiao upang hilingin mismo ang desisyon na ibalik sa ahensiya ang nakasaad sa batas na naglalayong masuportahan ang lahat ng mga programa at aktibidad sa grassroots at elite development ng sports sa bansa.
“Medyo malabo nang maibalik sa ahensiya ang P10B. Through the years, hindi na kasi ito natutukan, magugulo ang record ng Pagcor kaya mabuti ngang mapagaralan pa itong mabuti,” sabi ni Ramirez.
“But we are optimistic that in the future or maybe in the next few months ay magagawa na maibigay ang nararapat lamang sa PSC,” aniya.
Hinihintay din ng PSC anuman ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa usapin. (Angie Oredo)