Isang abugado na gumamit ng pagkakilanlan ng kanyang kapatid ang pinagbawalan na ng Korte Suprema na mag-practice ng abogasya.

Ito ay si Richard Caronan na naging abugado sa pangalang Atty. Patrick Caronan, matapos gamitin ang pangalan ng kanyang kapatid para makapasok sa law school at makakuha ng bar exams hanggang sa maging ganap na abugado.

Sa per curiam decision ng Korte Suprema, bukod sa pag-aalis kay Patrick Caronan sa Roll of Attorneys, pinagbawalan din maging miyembro ng Bar si Richard Caronan.

Kasabay nito, binawi rin ng hukuman ang identification card na inisyu ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) laban sa respondent sa pangalan ng kanyang kapatid, pati na ang mga certificate na inisyu ng Mandatory Continuing Legal Education.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Nabatid na walang kahit anong college degree ang respondent, pero ginamit umano nito ang college records ng kanyang kapatid na si Patrick mula sa University of Makati para makapag-enroll sa isang law school sa Nueva Vizcaya at makapasa sa 2004 bar exams bitbit ang pangalan ng kanyang kapatid.

Sa reklamo ng tunay na si Patrick Caronan, noong una ay hindi niya pinansin ang ginawa ng kanyang kapatid, pero napilitan umano siyang magreklamo sa Commission on Bar Discipline ng IBP nang masangkot ang respondent sa kabi-kabilang kaso gaya ng theft, estafa, at illegal possession of explosives gamit ang kanyang pangalan.

Bukod sa ipinataw na parusa ng Korte Suprema, nanganganib din na maharap si Richard Caronan sa karagdagang mga kasong kriminal at sibil. (Beth Camia)