Hinimok ng isang baguhang mambabatas ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na lumikha ng Joint Crisis Management Team na sisilip sa kalagayan ng mga nasibak na overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East, partikular na sa Saudi Arabia.
Naghain si ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz III ng House Resolution (HR) No. 13, na hinihimok ang dalawang departamento na magsanib-puwersa at ayudahan ang libu-libong OFW na natanggal sa trabaho dahil sa pagkabangkarote ng kani-kanilang mga kumpanya sa Saudi Arabia at iba pang mga bansa sa Middle East.
Binanggit ni Bertiz, isa ring dating OFW, na libu-libong OFW ang naapektuhan ng problemang pinansyal ng malalaking trading and construction companies sa Saudi, partikular na ang Saudi Oger Ltd., Mohammad Al-Mojil Group, Mohammed Al Barghash Trading and Contracting Co., at iba pa. (Ellson Quismorio)