NANALO si Prime Minister Shinzo Abe of Japan sa eleksiyon nitong Linggo. Nakamit ng kanyang kinabibilangang Liberal Democratic Party at mga kaalyado nito ang 77 sa 78 puwesto na kinakailangan para sa two-thirds ng mayorya sa mataas na kapulungan. Ngayong may apat na independent na sumusuporta sa pag-amyenda sa Konstitusyon, nasa posisyon na si Prime Minister Abe upang isulong ang pagbabago ng batas at isalang ito sa isang referendum.
Masusing tinututukan ng Pilipinas at ng iba pang mga bansa sa rehiyon, gayundin ang United States, ang mga kaganapan sa Japan, dahil maaari itong makaapekto sa kawalang balanse sa kapangyarihan ng militar sa Asia. Matagal nang isinusulong ni Abe ang pagbabago sa Konstitusyong isinulat ng Amerika, at ipinatupad sa Japan noong 1947 matapos itong magapi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945. Tinatanggihan ng Article 9 ng Konstitusyong ito ang digmaan at pinagbabawalan ang Japan na manakot o gumamit ng puwersa upang maresolba ang mga pandaigdigang alitan. Mayroong Self-Defense Forces ang Japan simula 1954, ngunit maaaring hindi ito makibahagi sa anumang operasyon sa rehiyon kahit pa isinasaalang-alang nito ang pambansang kapakanan ng Japan.
Kamakailan lang, siniguro ni Prime Minister Abe ang isang batas na magpapahintulot sa Japan upang makiisa sa pangkalahatang depensa sakaling maharap sa banta ang Japan dahil sa pag-atake sa isa nitong kaalyado. Ngunit labis itong nalilimitahan dahil sa Section 9 ng Konstitusyon. Halimbawa, hindi ito maaaring makisali sa Amerika at sa iba pang mga bansa sa paggiit sa karapatan nito sa malayang paglalayag sa South China Sea.
Sa mga taon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may dahilan ang Pilipinas upang mangamba na magbalik ang tikas ng sandatahan ng Japan, dahil tatlong taon tayong napasailalim sa pananakop ng Japan. Ngunit malaki na ang nagbago simula nang mga panahong iyon. Sa kasalukuyan, nararamdaman natin ang banta mula sa ibang direksiyon at itinuturing natin ang Japan, gayundin ang Amerika, bilang ating kaalyado na may kaparehong problema at pangamba sa bahagi nating ito sa mundo. Mayroon ding alitang pangkaragatan ang Japan sa China, sa bahagi naman ng East China Sea.
Napanalunan ni Prime Minister Abe ang eleksiyon at tinututukan niya ngayon ang pagpapasigla sa ekonomiya alinsunod sa tinatawag na “Abenomics.” Ngunit ang pangunahing layunin nito ay ang amyendahan ang Konstitusyon ng Japan upang mawala ang mga limitasyong itinakda ng Amerika sa paggamit ng Japan ng sandatahang lakas nito.
Masusi rin nating sinusubaybayan ang mga kaganapan sa Japan, partikular na dahil sa ating pagsasaalang-alang sa kapayapaan at sa sarili nating interes sa karagatan sa ating rehiyon. Magtiwala tayong ang mga isasakatuparang pagbabago sa Japan ay makatutulong nang malaki sa atin at sa iba pang mga bansa sa Southeast Asia at sa mundo.