Andreas Muñoz copy copy

ISA pang pelikulang gawang Pilipino na tinangkilik sa ibang bansa ang malapit nang mapanood sa Pilipinas.

Ipapalabas ang Ignacio de Loyola, ang kauna-unahang pelikulang gawang Pinoy na napanood sa Vatican, sa Hulyo 23 sa The Theater ng Solaire Resort and Casino, sa Parañaque City sa isang fund-raising dinner na inorganisa ng alumni ng Ateneo de Manila University para sa mga benepisyaryo ng Jesuit Infirmary at Jesuit Scholastics sa Pilipinas.

Ang special screening ng obrang prinodyus ng Jesuit Communications (JesCom) tungkol sa buhay ng nagtatag ng orden ng mga Hesuwita o Society of Jesus na si San Ignacio de Loyola ay magsisimula sa ganap na 4 PM, na live na tutugtugin at aawitin ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra at ng Ateneo Chamber Singers sa ilalim ng direksiyon ni Gerard Salonga, ang musikang ginamit sa pelikula na komposisyon naman ni Maestro Ryan Cayabyab.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang Ignacio de Loyola The Movie ay isang modernong pagkukwento ng buhay ng kauna-unahang Hesuwita na kilala rin sa bansag na Saint of Second Chances.

Mapapanood sa pelikulang ito kung paano nagkaroon ng direksiyon at realisasyon ang isang makasalanang tao na ang pinakamabibigat na laban ng buhay ay sa loob lamang ng sarili. Si Ignacio ay isang makamundong sundalo noon na sumuko sa kanyang pangarap na maging tanyag na kabalyero pagkatapos masugatan sa giyera. Sa kanyang pagpapagaling, itinatag niya ang orden ng mga Hesuwita.

Base sa isang post sa official Facebook page ng pelikula, https://www.facebook.com/ignaciomovie, pinuri ito ng Vatican nang ipalabas ito sa naturang siyudad noong Hunyo 14 at nasabihan pa ni Fr. Antonio Spadaro S.J., direktor ng La Civilta Cattolica — isang Italian magazine na inililimbag ng isang grupo ng mga Hesuwita ng, “I like this film so much because it gives you the meaning, the core of the life of Ignatius of Loyola. The Ignatius here is represented as a person of great spiritual dynamic and struggle. At the same time, it represents the interior life in action. So this movie gave me a lot and it is very well done.”

Ang Ignacio de Loyola The Movie ay isang proyektang pinamunuan ng Filipino filmmakers kasama ang staff at crew mula sa Europa. Halos kabuuan ng shoot ay ginanap sa España, kung saan namuhay si Ignacio. Ang cast ay halos puro Espanyol din, na pinangungunahan ni Andreas Muñoz, na gumanap bilang Ignacio.

Panoorin kung paano ginawa ang pelikula sa isang dokumentaryo ng ABS-CBN DocuCentral na eere sa ANC, ang ABS-CBN News Channel, sa documentary hour nito. Ipapakita ang iba’t ibang eksena ng pelikula, kasama na ang mga interbyu ng mga artista, pati na ang panayam sa mga Pilipino kasama na si Cayabyab, na magkukuwento ng kanilang mga naranasan sa paggawa nito. Mapapanood ang dokumentaryo ngayong Sabado, Hulyo 16, sa ganap na 10 PM at sa Hulyo 22 pagpatak naman ng 8 PM sa ANC.

Para sa mga katanungan tungkol sa ticket sa special screening sa Hulyo 23 sa Solaire Resort and Casino, tumawag lamang sa Jesuit Communications office sa numerong (632) 4265971 hanggang 72 at hanapin si Cathy Cardoz o Cynthia Estrella. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita lamang sa ANC website, news.abs-cbn.com/anc o kaya ay sundan ang kanilang social media account on Facebook at Twitter (@ANCALERTS) at ang official Facebook page ng pelikula (https://www.facebook.com/ignaciomovie/).