HUMARAP ang Beijing kahapon sa panggigisa ng mundo sa pagtitipon ng mga namumuno mula sa iba’t ibang panig ng Asya at Europa matapos nitong tahasang hindi tanggapin ang pagbasura ng tribunal, na suportado ng United Nations, sa pag-angkin nila sa South China Sea.

Ang biennial na Asia-Europe Meeting (ASEM), na nagdiriwang ng ika-20 anibersaryo nito, ay layuning talakayin ang pagpapasigla sa pagtutulungan sa kontinente ng Eurasian at paghahanap ng mga paraan para mapagtibay ang pandaigdigang sistema ng kasunduan na namumuno sa lahat mula sa kalakalan hanggang sa civil aviation.

Ngunit ang pagtitipon ngayong taon sa Mongolia ay ang unang pangunahing international conference simula nang nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague na walang legal na pundasyon ang pag-angkin ng Beijing sa estratehikong South China Sea.

Sinabi ng Asian giant, na hindi dumalo sa mga pagdinig, na walang kapangyarihan ang tribunal at binalewala ang hatol. Sinabi rin nito na hindi dapat pang talakayin ang paksa sa ASEM.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngunit plano ng Pilipinas, na nagdulog ng kaso, na buksan ang usapin sa pagtitipon.

Tatalakayin ni Foreign Minister Perfecto Yasay ang “peaceful and rules-based approach” ng Maynila sa alitan at ang “need for parties to respect the recent decision” sa pagpupulong, ayon sa kanyang tanggapan.

Magsasalita rin ang Vietnam, na maaari ring makinabang sa desisyon ng PCA dahil sa sariling alitan nito sa South China Sea laban sa Beijing, tungkol sa lahat ng uri ng isyu sa summit, ayon sa Foreign Minister nito na si Pham Binh Minh.

Inihayag din ng Tokyo—na may hiwalay na agawan sa teritoryo sa Beijing—na titimbangin rin nila ito, at sinabi ni Prime Minister Shinzo Abe na siya “would discuss the importance of reaching a peaceful resolution under the rule of law” sa South China Sea.

Inilahad ang pagbatikos habang nagpupursige ang Beijing, isang veto-wielding na permanenteng miyembro ng UN Security Council, na magkaroon ng matinding presensiya sa bahagi ng pandaigdigang diplomasya.

Umaasa ito na magagamit ang ASEM summit—na pinagsasama-sama ang iba’t ibang bansa mula sa Ireland hanggang Indonesia—bilang oportunidad para ipakita ang mga pandaigdigang inisyatibo, gaya ng One Belt, One Road programme, isang ambisyosong plano na magtatayo ng mga imprastuktura sa rehiyon ng Eurasian.

Sa tagubilin nitong linggo, sinabi ng Chinese assistant foreign minister na si Kong XuanYou na ang ASEM ay “not an appropriate venue” para talakayin ang isyu ng South China Sea.

Hangad ng China na maihayag ang pag-angkin nito sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga artipisyal na isla na kayang suportahan ang mga operasyong militar, at ngayong linggo ay binigyang-diin ang kanilang karapatan na magpahayag ng Air Defence Identification Zone sa lugar, na mag-oobliga na tumalima ang civilian flights sa awtoridad ng kanilang militar.

Sa pagsisimula ng EU-China summit sa Beijing ngayong linggo, nanawagan si EU Council President Donald Tusk sa kanyang hosts para protektahan ang “rule-based international order”, sinasabi na ang gawain “may be the biggest challenge ahead of us.”

Maaari ring talakayan sa ASEM ang iba pang mga usapin, kasama na ang international trade at ang boto ng Britain na lisanin ang European Union, ngunit hindi magkakaroon ng ministerial representation ang London sa pulong dahil sa balasahan sa gabinete nito na nagbunsod para maging bagong foreign secretary ng bansa ang Brexit campaign leader na si Boris Johnson. (Agencé France Presse)