Kasalukuyang kritikal ang kondisyon ng tatlong estudyante matapos araruhin ng nag-overtake na delivery elf truck, habang naglalakad ang mga ito sa San Miguel, Manila, kahapon ng tanghali.

Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang dalawa sa mga biktima na nakilalang sina Nika Francisco at Daphne Lorenzo, kapwa estudyante ng National Teachers College (NTC), habang nasa Mary Chiles Hospital naman ang isa pang biktima na nakilalang si Clarence Ray Ocampo, 2nd year Engineering student ng Technological Institute of the Philippines (TIP).

Samantala, sinubukan munang tulungan ng driver ng trak (WAP-148), na nakilala lamang sa alyas na “Raffy”, ang mga biktima ngunit nang wala na itong magawa at marahil sa takot na kuyugin ng mga tao, ay mabilis na itong tumakas.

Batay sa inisyal na ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), kuhang-kuha sa footage ng CCTV ng Barangay 385 ang insidente na naganap dakong 12:04 ng tanghali sa kanto ng Legarda St. at Concepcion Aguila St., sa San Miguel.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Ayon sa imbestigasiyon, naglalakad umano ang dalawang babaeng biktima, kasama ang isa pang kaibigang babae, at kasalubong naman nila si Ocampo, nang biglang nag-overtake ang truck sa isang pampasaherong dyip.

Sa kasamaang-palad, sa bilis ng pag-overtake ng trak ay nawalan ng kontrol si Raffy na naging dahilan upang maararo ang mga biktima na naglalakad lamang sa bangketa.

Minalas na mapailaliman ng trak sina Francisco, Lorenzo at Ocampo, habang hindi naman nagalusan ang kaibigan nilang babae.

Hinahanap pa ng pulisya ang driver ng trak na sinasabing pag-aari ng P. Casal Construction Supply at may kargang mga hollow blocks at buhangin nang mangyari ang insidente. (Mary Ann Santiago)