BUTUAN CITY – Isang lalaki ang nasawi habang limang iba pa, kabilang ang isang miyembro ng Sangguniang Panglalawigan (SP), ang nasugatan makaraang paulanan ng bala ng ilang armado ang kanilang sinasakyan nitong Huwebes ng hapon sa national highway ng Purok 2 sa Sitio Tandawan, Barangay San Vicente, Bislig City, sa Surigao del Sur.

Batay sa paunang ulat kay Chief Supt. Rolando B. Felix, director ng Northeastern Mindanao Police Regional Office (PRO)-13, kay Surigao del Sur Police Provincial Office director Senior Supt. Romaldo G. Bayting, nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan si Surigao del Sur 2nd District SP member Apolinario A. Suan, Sr., 48, na isa ring radio commentator ng Real FM Radio sa Bislig City.

Bukod kay Suan, nasugatan din sa pamamaril sina Rocel L. Alba, Jobert C. Hurado, Apolinario Suan, at Berligino Suan.

Nasawi naman si Marlon Suan, nasa hustong gulang, at residente ng lungsod. Hindi naman tinukoy sa police report kung kaanak ng bokal ang napatay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa report, dakong 1:20 ng hapon nitong Huwebes at pababa na si Apolinario Sr. sa kanyang Toyota Land Cruiser kasama ang iba pang biktima nang bigla silang hintuan ng isang Hi-Ace van at pinagbabaril sila ng sakay nito.

Hindi pa batid ng pulisya ang motibo sa krimen, at patuloy pa ang imbestigasyon. (Mike U. Crismundo)