ANG matagumpay na operasyon ng mga awtoridad laban sa sindikato ng droga ay nakasalalay sa malalim na paniniktik ng mga undercover agent at mga “A-1 intelligence information” mula sa mga impormante na kadalasan ay “walk-in” lamang.
Ang “intelligence info” na galing sa impormante, kapag na-validate nang maayos at ipinatrabaho pa sa magaling na undercover agent, ay siguradong panalo ang resulta at kumukuti-kutitap na agad ang reward para sa impormanteng lumulutang lamang dahil sa kinang ng malaking pabuyang inilalaan ng pamahalaan para makatulong sa pagsugpo sa sindikato ng droga sa bansa.
Napakaepektibo ng “reward system” sa mabilis na paglutas sa malalaking krimeng iniimbestigahan ng mga pulis at lalo na sa pag-neutralize sa tinatawag nilang “syndicated crime groups” – pero nagkakaproblema ang sistemang ito kapag ang mga operatiba ay nagagahamang makisawsaw sa malalaking halagang pabuya para sa mga impormante o ‘di kaya naman’y pasok na sila sa sindikato.
Ganito marahil ang nangyari sa impormante kong nagbigay ng impormasyon sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa operasyon ng sindikato ng ilegal na droga sa Timog Katagalugan noong kalagitnaan ng dekada 90. Walang gustong magsalita hinggil sa reward na ipinangako sa kanya matapos ang matagumpay na operasyon.
Ang tanging sagot nila ay hindi raw pala galing sa amin ang impormasyong nakatulong para masabat nila ang isang ambulansiyang may kargang kalahating toneladang shabu sa lalawigan ng Quezon kundi galing umano sa mga operatiba ng U.S. Drug Enforcement Agency (DEA).
Reporter pa ako noon pero ‘di ako makapag-ingay para mapansin ang reklamo ng aking impormante dahil nasa kainitan pa ang kaso at nangangamba rin ako para sa kaligtasan naming dalawa na magantihan ng sindikato na noon ay napaka-impluwensiya pa.
Makaraan lang ang ilang buwan ay nawalan na ako ng kontak sa aking impormante na naglahong parang bula.
Napag-alaman ko rin na ang tanging impormasyon na galing sa DEA noon ay ang “coordinates” ng barkong may kargamentong shabu na dumaong sa baybayin sa Quezon kung saan vice-mayor ang naarestong sakay ng ambulansiyang may kargang kalahating toneladang shabu.
Ang hinala ko, sadyang hindi tina-trabaho ng mga pulis sa PNP Regional Office 4-A ang mas madetalyeng impormasiyong namin dahil pasok sila sa payola ng sindikato. Napilitan na lamang silang kumilos nang pumasok na sa eksena ang DEA kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan. Hindi nila maamin na matagal na nilang hawak ang impormasiyon pero hindi lang sila gumagalaw.
Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o mag-email sa: [email protected]