Umabot na sa 8,808 kataong sangkot sa ilegal na droga ang sumuko, 362 indibiduwal ang naaresto, habang 12,037 bahay na ang kinalampag ng pulisya sa Metro Manila sa pinaigting na “Oplan Tokhang” sa nakalipas na 12 araw, iniulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon.
Bukod pa rito ang 298.3 kilo ng shabu at isang kilo ng marijuana na nasabat ng mga awtoridad na nagkakahalaga sa P1,846,200,000, habang nakakumpiska ng 20 iba’t ibang kalibre ng baril, isang granada at tatlong patalim sa ikinasang anti-crime campaign.
Kasama sa bilang ng personalidad ang 4,898 drug user na nasa pangangalaga na ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila at Dangerous Drug Board (DDB) upang isailalim sa rehabilitasyon.
Kabilang din dito ang 3,547 drug pusher at 348 pang sumuko na dala ang kanilang mga drogang ibinibenta at drug paraphernalia.
Tiniyak ni NCRPO Director Chief Supt. Oscar D. Albayalde na alinsunod sa human rights law ang pagpapatupad ng “Oplan Tokhang” matapos nitong makausap si Human Rights Counselor at Associate Dean ng University of the East-College of Law Atty. Wilhelm Dabu Soriano.
“We have over 20,000 police officers on the ground, the need to keep abreast ourselves with laws like human rights is crucial in the performance of our job. Our human Rights Law Reorientation Program will start with our field operatives and the rest will follow. We welcome the help from our stakeholder for extending us their expertise.
Our illegal drug campaign should be and must be a whole government approach from LGUs to volunteer groups,” paliwanag ni Albayalde.
Siniguro ng NCRPO ang ligtas na tirahan, trabaho at negosyo sa Metro Manila bilang pagpapakita sa pagbabagong ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko. (Bella Gamotea)