NABIGYANG-diin na natin ang ating paninindigan kaugnay ng pakikipag-agawan natin ng teritoryo sa China sa South China Sea.
Nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa Hague na “China violated the Philippines’ sovereign rights in its exclusive economic zone by interfering with Philippine fishing and petroleum exploration, by constructing artificial islands, and failing to prevent Chinese fishermen from fishing in the economic zone.”
Nakaperhuwisyo ang China sa tradisyunal na pangingisda sa Panatag Shoal, na tinatawag din na Scarborough Shoal at Bajo de Masinloc, may 210 kilometro ang layo sa baybayin ng Zambales, at walang dudang saklaw ng economic zone ng Pilipinas, batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea. Nilabag din nito ang karapatan sa soberanya ng Pilipinas nang gamitin nito ang langis at gasolina malapit sa Recto Bank, na tinatawag din na Reed Bank, sa Spratly island group na nasa kanluran ng Palawan.
Iginiit ng China na ang dalawang nabanggit na lugar ay saklaw ng karagatang teritoryo nito, batay sa nine-dash line na nakapaligid sa South China Sea, na unang inangkin ng gobyerno ng Republic of China sa Taiwan noong 1947, at kalaunan ay kinilala ng gobyerno ng People’s Republic of China sa Beijing. Gayunman, nagdesisyon ang Arbitral Court na walang legal na basehan ang nine-dash-line claim.
Nagpasya ang Arbitral Court na ang maliliit na isla at mga bahura na mistulang mga bato lang na pinaiimbabawan ng mga alon kapag high tide ay hindi mga isla na may sariling economic zone. Ang mga artipisyal na islang itinayo ng China sa South China Sea ay wala ring sarili nitong economic zone. Nagdesisyon ang korte na nilabag ng China ang obligasyon nito na iwasang lumubha ang tensiyon habang umuusad ang proseso.
Ang desisyon na nagsasabing ang South China Sea ay bahagi ng karagatan, hindi ng karagatang teritoryo ng China, ay tiyak na naging katanggap-tanggap para sa United States na matagal nang iginigiit ang kalayaan sa paglalayag sa lugar na dinadaanan din ng mga barkong komersiyal ng maraming bansa. Ilang beses nang nagpadala ang Amerika ng mga barko at eroplanong pandigma nito sa lugar upang igit ang sariling karapatan.
Ngunit ang karapatan sa pangingisda at sa paggamit sa mga yamang dagat ang pangunahing pangamba ng Pilipinas.
Kumprontasyon sa pangingisda ang nangyari noong 2012, nang binomba ng mga barko ng China ang mga bangkang pangisda ng Pilipinas gamit ang mga water cannon, at nagbunsod upang idulog ng gobyerno ng Pilipinas ang kaso nito sa Arbitral Court.
Tulad ng paulit-ulit nitong pinaninindigan, hindi kinikilala ng China ang nasabing desisyon. At wala ring kapangyarihan ang korte para magpatupad. Pumabor sa atin ang pasya ng korte, nabigyang-diin na natin ang ating punto, at ngayon ay kailangan na nating humanap ng mga paraan upang hindi maapektuhan ang ugnayan natin sa China.
Pinakamainam sa ngayon ang manahimik muna tayo at iwasang gumawa ng anumang hakbangin na maaaring makapagpalala sa sitwasyon. Sa harap ng kabi-kabilang bentahe ng panahon at kabutihang loob, kumpiyansa tayong maghihilom din ang alitan at makasusumpong ng pinakaepektibong solusyon sa nagpapatuloy na problema.