NGAYON ang anibersaryo ng kapanganakan ni His Majesty, Haji Hassanal Bolkiah Mu’izzaddin Wad’daulah, ang Sultan ng Brunei Darussalam. Isinilang siya sa araw na ito noong 1946 kina Sir Muda Omas Ali Saifuddien III at Rani Isteri Pengiran Anak Damit bilang Pengiran Muda (Crown Prince Hassanal Bolkiah) sa bayan ng Brunei, na tinatawag ngayon na Bandar Seri Bagawan. Siya ang panganay na anak na lalaki ng royal couple. Ang Sultan ang isa sa pinakamatagal na namuno at kabilang sa natitirang lubos na monarkiya sa mundo.
Natanggap ng sultan ang kanyang edukasyon sa mataas na paaralan sa Victoria Institution sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Pagkatapos nito, pumasok siya sa Royal Military Academy sa Sandhurst, United Kingdom.
Siya ang ika-29 at kasalukuyang Sultan at Yang Di-Pertuan (Head of State) ng Brunei. Siya rin ang una at kasalukuyang nanunungkulan na Prime Minister ng Brunei. Naging Sultan siya ng Brunei Darussalam noong Oktubre 5, 1967, pagkatapos bumaba sa puwesto ng kanyang ama. Pinatungan siya ng korona noong Agosto 1, 1968. Tulad ng kanyang ama, kinilala siyang kabalyero ni Queen Elizabeth II ng United Kingdom, na protectorate ang Brunei hanggang 1984.
Opisyal na tahanan ng Sultan ang Istana Nuruil Iman, na may 1,788 na silid, 257 na palikuran, at may lawak na 2,152,782 square feet. Nasa Istana rin ang ibang tanggapan ng gobyerno, tulad ng Office of the Sultan at Yang Di-Pertuan, ang Office of the Grand Chamberlain, gayundin ang mga opisina sa loob ng Kagawaran ng Prime Minister. Nasa Palasyo rin ang ibang bahagi ng Ministry of Defense at Ministry of Finance.
Ang Pilipinas at Brunei ay may matagal nang kasaysayan ng diplomatikong ugnayan simula noong 1984. Ang Consulate-General ng Pilipinas sa Bandar Seri Begawan ay itinatag noong Agosto 10, 1983, upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga overseas Filipino worker sa sultanato. Kalaunan, ito ay naging embahada. Ang Consulate-General ng Brunei sa Makati, na itinatag noong Nobyembre 1983, ay naging embahada rin. Sinuportahan ng Brunei ang iba’t ibang pag-unlad sa Pilipinas, kasama na rito ang pagtatayo ng pinakamalaking mosque sa bansa, na matatagpuan sa Cotabato City.
Binabati natin ang Kanyang Kabunyian, Haji Hassanal Bolkiah Mu’izzaddin Wad’daulah, ang Sultan ng Brunei Darussalam, sa pagdiriwang niya ng ika-70 anibersaryo ng kapanganakan.