Tunay na sa boxing, may kinabukasan ang atletang Pinoy.

Muling pinatunayan ng Pinoy ang tigas sa sports nang pagwagian ni boxer Criztian Pitt Laurente ang kauna-unahang gintong medalya sa inaugural Children of Asia International Games kamakailan, sa Yakutsk, Russia.

Ginapi ng 16-anyos mula sa General Santos City si Kazakhstan’s Taltibek Sulchar, 30-29, 29-28, 29-28, sa 54kgs finals nitong Miyerkules ng gabi. Kahanga-hanga ang ipinamalas na husay ni Laurente laban sa mas beteranong karibal na isang Asian junior champion.

Ayon kay coach Ronald Chavez, isa ring Asian Games medalist, kumpiyansa siyang makukuha ng Pinoy ang kampeonato nang kaagad na madomina ni Laurente ang kalaban sa kaagahan ng first round.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakopo naman nina sprinter Veruel Verdadero at taekwondo jin Beatrice Kassandra Gaerlan ang bronze medal sa kani-kanilang event.

Naitala ng 15-anyos na si Verdadero ang tiyempong 23.17 segundo sa boys’ 200m, sa likod nina Shalika Santhush ng Sri Lanka (22.97) at Saudi Arabia’s Al Marwani Ahmed (23.14).

Sa kasalukuyan, tangan ng Team Philippines, binubuo ng mga atletang nagwagi sa Batang Pinoy, ang isang ginto, isang silver at apat na bronze medal sa torneo na nagtatampok sa pinakamahuhusay na atleta sa mundo na 16-anyos pababa.

Nakopo ni Eduard Josh Buenavista ang silver medal sa 2000m steeplechase nitong Martes.

Ginapi ng panganay ni Olympian Eduardo “Vertek’’ Buenavista ang mas matataas na karibal mula sa Kazakhstan, Yemen, at Russia para pumangalawa kay gold medalist Ivan Arzhakov ng Siberia.