HINIKAYAT ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael “Mike” Sueno ang publiko nitong Martes na simulan ang disaster preparedness sa kani-kanyang pamilya at tahanan, ayon sa ulat ng Philippines News Agency (PNA).

“Ang tamang paghahanda ay nagsisimula sa lebel ng mga kabahayan. Huwag tayong maging kampante at huwag ipagpabukas ang paghahanda. Ramdam na natin ang malalakas na pag-ulan at hangin,” sambit ni Sueno.

“More than anybody else, families should know their roles and understand practical tips in disaster preparedness, that is why we have the Gabay at Mapa Para sa Listong Pamilyang Pilipino,” dagdag niya.

Ang Gabay at Mapa ay nagsisilbing gabay kung paano aaksiyon bago, habang at pagkatapos ng kalamidad. Inaatasan nito ang bawat pamilya na gumawa ng household plan sa pagtukoy sa tamang daan patungo sa kanilang pansamantalang tutuluyan, kung saan magkikita-kita, at ligtas na bahagi ng kanilang tahanan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“To learn more about Gabay at Mapa and other Disaster Risk Reduction (DRR) programs of the DILG, an exhibit is open for public viewing in the DILG-Napolcom Center lobby in Quezon City this July, the National Disaster Consciousness Month. It showcases a variety of informative reference materials and illustrations on DRR,” paliwanag niya.

Sa kabilang dako, sinabi ni DILG Undersecretary for Local Government Austere A. Panadero na, “Ang DRR exhibit tulad nito ay kailangan upang magsilbing paalala kung anu-ano ang dapat gampanan ng bawat isa; at pakiusap ay ikuwento niyo rin sa inyong mga kapitbahay kung paano maghanda sa lindol, baha, bagyo at iba pang sakuna.”

Pinagdiinan ni Local Government Academy (LGA) Executive Director Marivel Sacendoncillo na ang disaster preparedness ay responsibilidad ng bawat isa.

“Ang sakuna ay walang pinipiling kasarian, edad, at katayuan sa buhay. Lahat ay dapat maging maalam at handa. Subalit mahalagang unahin natin ang kaligtasan ng mga may kapansanan, senior citizens at mga bata,” aniya.

Inilunsad ng NDRRMC, sa pamamagitan ng Office of Civil Defense (OCD), ang pagdiriwang ng National Disaster Consciousness Month na may temang “Kahandaan at Pagtugon sa Sakuna, Tungkulin ng Bawat Isa.”

Inanunsiyo ng OCD na ang tema ngayong taon ay nakatuon sa intensiyon ng pagdiriwang upang malaman ng mga tao na ang DRR ay personal na responsibilidad ng bawat Pilipino.