Palalakasin at mas bibigyang importansiya ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kalidad at kompetisyon sa pagsasagawa ngayong taon ng grassroots sports development program na Batang Pinoy at ang para sa elite athletes na Philippine National Games (PNG).
Sinabi ni PSC Commissioner Charles Maxey na asam ng ahensiya na itaas pa ang kalidad ng kompetisyon sa Batang Pinoy na nakatuon sa mga batang atleta edad 15-pababa, pababa gayundin ang mga madidiskubre at lalahok para sa pambansang koponan na PNG.
“The new PSC Board plans to have a one-time tournament only for Batang Pinoy and the PNG every year,” pahayag ni Maxey, itinalaga ni PSC Chairman Butch Ramirez na mangasiwa sa grassroots program ng pamahalaan.
“But it will be patterned after the China Games where those that won gold medals were also the one’s that make it to the Olympics,” sabi pa ng dating journalist na si Maxey.
Balak ng PSC na isagawa ang Batang Pinoy sa Disyembre na posibleng gawin sa Naga City, Camarines Sur, habang sa Maynila naman ang PNG.
Gayunman, sinabi ni Maxey na pag-aaralan pa rin ng ahensiya ang Batang Pinoy kung isasagawa ang qualifying leg sa Southern at Northern Luzon pati na sa Visayas at Mindanao.
Una nang itinakda ng nakalipas na pamunuan ng PSC ang pagsasagawa ng Batang Pinoy qualifying leg sa Ilagan, Isabela sa Agosto 8-13 para sa Northern Luzon at sa Setyembre 5-10 sa Lipa City, Batangas para sa NCR at Southern Luzon.
Isasagawa sa Oktubre 3-8 sa Ormoc City, Leyte ang Visayas at ang Mindanao Leg sa Surigao City sa Nobyembre 7-11, bago ang National Championships sa Dumaguete City sa Disyembre 5-10. (Angie Oredo)