Mga laro ngayon

(Ynares Sports Arena)

4 n.h. – Café France vs Blustar

6 n.h. -- Phoenix vs AMA

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Maipagpatuloy ang nasimulang winning streak ang tatangkain ng Phoenix upang manatiling nasa ibabaw ng standing sa pakikipagtuos sa AMA Online Education sa pagpapatuloy ng 2016 PBA D-League Foundation Cup, sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Bagamat bahagyang kinalawang mula sa nakaraang mahigit isang linggong break, natuwa si Accelerators coach Eric Gonzales sa nakitang laro ng kanyang mga players nang talunin ang Tanduay, 108-95, noong Martes kung saan ipinamalas ng mga ito ang taglay nilang mentalidad para manalo.

“I told them na kung saan tayo nadapa, doon tayo bumangon. Thankful ako dahil nagrespond naman yung mga players,” ayon kay Gonzales.

Tulad ng dati, nakita ang tunay na laro nina Ed Daquioag, Mac Belo, at Mike Tolomia nang isalba nila ang Accelerators kontra Rhum Masters.

Gayunman, hindi inaalis ni Gonzales na bumalik ang mga ito sa kanilang masamang gawi at mabigong panatilihin ang maganda nilang laro.

“We have to play basketball correctly. Mahirap mag-build ng bad habits ang kailangan talaga is constant reminder sa mga players,” ayon pa kay Gonzales bilang paghahanda sa pagsagupa nila sa Titans ngayong 6:00 ng gabi.

Sa panig ng AMA, hangad nitong dugtungan ang nakamit na unang panalo kontra Blustar, 81-78, noong Hunyo 27.

Mauuna rito, sisikapin ng Café France na patatagin ang pagkakaluklok sa top two sa pagtutuos nila ng Blustar Detergent sa ganap na 4:00 ng hapon. (Marivic Awitan)