Tinatayang aabot sa mahigit P10 milyong halaga ng iba’t ibang alahas ang natangay ng mga miyembro ng “Dugu-dugo gang” mula sa isang dating overseas Filipino worker (OFW) sa Sta. Mesa, Manila, kahapon.

Nagsuplong sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Station 8 ang biktimang si Grace de Jesus Akiyama, 41, tubong Candelaria, Quezon, residente ng 30 Gardenville Residence, Ilang-ilang Street, Sta. Mesa.

Sa salaysay ni Akiyama , dakong 11:01 ng umaga kamakalawa ay tinawagan ng isang babae ang kanyang katulong na si Teresa Napoles, 53, at sinabing naaksidente si Akiyama at kailangan nito ng perang pambayad sa pagamutan.

Inutusan ng suspek ang katulong na kunin ang jewelry organizer ni Ikayama sa silid nito at dalhin sa Bustillos Street, malapit sa Loreto Church sa Sampaloc.

'Goodluck sa puksaan!' Jesus Falcis, sinagot kung kailan sasali sa 'bardagulan' mga Kakampink

Nakumbinse ng suspek si Napoles, kaya’t inihatid ng katulong ang mga alahas sa suspek sa napagkasunduang lugar.

Nanlumo si Akiyama nang matuklasang nabiktima sila ng mga sindikato.

Tiniyak ni Napoles na makikilala niya ang suspek sakaling makita niya itong muli. Inilarawan niya itong nasa 45-50 taong gulang, may taas na 5’4”, medyo mataba, maputi, blonde at mahaba ang buhok.

Kabilang sa mga natangay ng suspek ang 13 pirasong G-Shock wrist watch (P350,000); dalawang Rolex watch na purong ginto at may diamante (P2.8 milyon); isang Chanel wristwatch (P150,000); anim na pirasong Gucci wristwatch (P190,000); isang Christian Dior wristwatch (P130,000); isang Zema wristwatch (P48,000); tatlong Tommy Hilfiger wristwatch (P90,000); isang set ng diamond jewelry (P1.3M); isang diamond necklace (P900,000); isang Thai lace bracelet na may diamond (P105,000); pure diamond bracelet (P280,000); isang Elizabeth bracelet na may diamond at pendant (P250,000); walong pirasong Omega bracelet na may diamond (P1.7M) at 35 pirasong solid gold na singsing na may perfect diamond, at iba pang mga alahas, na di pa batid ang presyo. (Mary Ann Santiago)