ANG Bastille Day ay ang French National Day (La Fete nationale) na ipinagdiriwang kada taon tuwing Hulyo 14.

Ginugunita nito ang nangyari noong Hulyo 14, 1789, nang Salakayin ang Bastille, isang medieval fortress at kulungan sa Paris na iniuugnay sa malupit na pamamahala ng monarkiyang Bourbon noong 1700s. Ginugunita rin nito ang Fete de la Federation na ipinagdiriwang ang pagkakaisa ng mamamayang Pranses noong Hulyo 14, 1790. Pinagtibay ang isang batas noong Hulyo 6, 1880 para gawing public holiday ang Bastille Day. Ang unang selebrasyon ng Bastille Day ay noong Hulyo 14, 1880.

Sa panahon ng French National Day, dumadalo ang mga tao sa mga pampublikong selebrasyon, tulad ng enggrandeng parada ng militar sa Paris kapag umaga ng Hulyo 14. Tampok sa parada ang mga service personnel mula sa iba’t ibang unit, kasama ang mga kadete mula sa mga paaralang militar, French Navy, at French Foreign Legion. Nagtatapos ito sa Paris Fire Brigade. Mayroon ding mga pagtatanghal na musical, sama-samang pagkain, sayawan, at fireworks.

Kahati ang France sa lupain ng mga karatig nitong Germany, Italy, Switzerland, Andorra, Belgium, Luxembourg, Monaco, at Spain sa Europe. Ang Paris, na kabisera nito, ay kilala bilang City of Lights at ang pinakamalaking lungsod ng France. Ang Paris ang sentro ng ekonomiya, pulitika, at kultura ng France. Ito ang isa sa mga paboritong dinadayo ng mga turista sa Europe dahil sa maraming enggrandeng tanawin na makikita rito, kabilang ang Eiffel Tower na binibisita ng mahigit anim na milyong katao kada taon; ang Note Dame de Paris, na pangunahing Gothic cathedral; ang Basilica of Sacre-Coeur na alay sa Sacred Heart of Jesus; ang Louvre museum na tahanan ng mga sinauna at tanyag na obrang sining tulad ng Mona Lisa at Venus de Milo; ang Musee d’Orsay, na isang dating istasyon ng tren na ginawang museo at katatagpuan ng mga obra na ginawa sa pagitan ng 1848 at 1915; at ang Champs-Elysees, ang pinakakilalang kalye sa Paris at isa sa pinakatanyag sa mundo, na maraming mapupuntahang kainin at pamilihan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Taong 1947 nang pumirma ang France at ang Pilipinas sa Treat of Amity na pormal na nagtatag sa diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa. Noong 2015, dalawang araw na bumisita si French President Francois Hollande sa Pilipinas para sa talakayan tungkol sa climate change. Noong Mayo 2016, sa isang seremonya sa Department of National Defense ay lumagda sina French Ambassador Thierry Mathou at Defense Secretary Voltaire Gazmin sa isang cooperation agreement na nagbibigay ng balangkas sa pagbuo ng bilateral relations sa pagitan ng mga defence agency at ng hukbong sandatahan ng dalawang bansa.

Binabati natin ang Mamamayan at Gobyerno ng France, sa pangunguna ni President Francois Hollande, sa kanilang pagdiriwang ng National Day.