MAKARAAN ang sunud-sunod na pagpupulong ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi malayo na isunod niya ang pagbuo ng Ledac (Legislative-Executive Development Advisory Council). Mismong si Presidente Fidel Ramos ang nagpahiwatig na ang naturang konseho ay bubuhayin ng bagong administrasyon; natitiyak ko na isa ito sa mga iminungkahi ng dating Pangulo bilang isang epektibong sanggunian sa pagbalangkas ng mga makatuturang patakaran para sa pagbabago, pagkakaisa at kaunlaran ng bansa.
Ang Ledac – na halos kasing-halaga rin ng Gabinete – ay binuo sa ilalim ng RA 7640 noong 1992 upang maging patnubay ng alinmang administrasyon sa makabuluhang pamamahala. Binubuo ito ng 20 miyembro, kabilang na ang presidente bilang tagapangulo, vice presidente, senate president, house speaker, pitong miyembro ng gabinete, tatlong senador, tatlong kongresista at kinatawan mula sa local government units, kabataan, at private sectors.
Sa kanyang hangaring matatamo ang tunay na mga pagbabago na hinahangad ng sambayanan, natitiyak ko na hindi mag-aatubili si Pangulong Duterte upang laging sangguniin ang Ledac; lalo na kung isasaalang-alang na ang naturang konseho ay isang mabisang mekanismo sa pagkakaisa ng bansa, sa pagtatamo ng kapayapaan na matagal na nating inaasam at sa pagpapabilis ng mga kaunlarang pangkabuhayan. Ang mga ito ay matatamo sa pamamagitan ng pakikipagsanggunian sa iba’t ibang lider mula sa private business, civil society at maging sa mga miyembro ng oposisyon.
Minsan nang napatunayan ang makahulugang resulta ng mga pagpupulong ng Ledac noong panunungkulan ni Presidente Ramos.
Idinadaos ang council meeting tuwing Miyerkules at dinadaluhan ito ng mga lider ng bansa mula sa kongreso at pribadong sektor. Tinatampukan ito ng pagtalakay sa mga makatuturang isyu at problema na kailangang malunasan kaagad; maaaring sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga panukalang-batas at iba pang mga patakaran na ipatutupad sa mga komunidad. Ang mga nabuong ideya at opinyon ang nagiging bahagi naman ng mga programang isinusulong noon ng Ramos administration; humigit-kumulang 30 Ledac meeting ang idinadaos taun-taon, hanggang sa matapos ang kanyang panunungkulan noong 1998.
Maliban kung patatangay sa makasariling mga pananaw at ipagwawalang-bahala ang kahalagahan ng isang mekanismo ng pagkakaisa, wala akong makitang dahilan upang hindi pulungin ni Pangulong Duterte ang Ledac. (Celo Lagmay)