Hinatulan ng Sandiganbayan ng hanggang 10 taong pagkakakulong si dating Banganga, Davao Oriental Mayor Gerry Morales matapos mapatunayan siyang guilty sa graft nang payagan niya ang sariling kapatid na mag-supply ng produktong petrolyo sa munisipyo, inihayag kahapon ng Office of the Ombudsman.
Sa isang 21-pahinang resolusyon, pinagtibay ng anti-graft court ang natuklasan ng Ombudsman na pinaboran ni Morales para mag-supply ng petrolyo sa munisipyo ang STRB Auto Repair Shop, na kinakatawan ng kapatid ng dating alkalde.
Nakumpirma ng prosekusyon ng Ombudsman na bumili ang pamahalaang lokal ng gasolina at lubricants na nagkakahalaga ng P92,760 mula sa STRB noong 2001 nang walang isinasagawang public bidding. Inaprubahan ni Morales ang nasabing pagbili ilang araw makaraan siyang maluklok sa puwesto noong Hulyo 2001.
Iniulat ng Commission on Audit (CoA) na walang kaukulang dokumento ang nasabing pagbili bukod pa sa walang business permit ang STRB at malinaw na may conflict of interest ang transaksiyon dahil ang nasabing negosyo ay pag-aari ng kapatid na lalaki ng alkalde.
Binigyang-diin ni Sandiganbayan Associate Justice Napoleon Inoturan na “the accused allowed his brother to directly transact with the Municipality of Banganga.”
“This clearly shows that accused mayor was not only remiss in his duties under the Local Government Code, but undoubtedly gave unwarranted preference to STRB Auto Repair Shop,” dagdag pa ng korte. (Jun Ramirez)