Walang takot at walang planong sumuko sa mga awtoridad ang marami pang drug pusher, sa kabila ng pagpila ng kanilang mga “kapatid sa trabaho” sa mga himpilan ng pulisya upang sumuko at iwasan ang kamatayan sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na may pangakong uubusin niya ang mga sangkot sa ilegal na droga.
Ayon sa self-confessed drug user at drug pusher na si “Rodel”, 37, siya at kanyang kaibigang si “Ryan”, 36, pawang mga residente ng Malibay, Pasay City, ay sumuko sa pulisya dahil na rin sa takot sa kanilang buhay, lalo na’t tuluy-tuloy ang ginagawang pagtumba sa mga adik at pusher.
Kung nag-aasam sila na magbago, kabaliktaran naman ito sa iba nilang kasamahan sa pagbebenta ng ilegal na droga.
“Yung ibang user at pusher sa lugar namin makikipagsabayan daw sa mga pulis. ‘Yung mga ayaw sumuko lalaban daw ng sabayan ibig sabihin hindi magpapahuli ng buhay. Patay kung patay,” ani Rodel.
Sina Rodel at Ryan ay kabilang sa mga sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang, kung saan sa kanilang lugar sa Pasay, 826 na user at 89 na pusher na ang sumusuko.
“Tuluy-tuloy na ‘to. Wala na kaming atrasan,” ani Rodel, may apat na anak at isang warehouse assistant sa ‘di pinangalanang mall.
“Para sa kaligtasan ko at ng pamilya ko [kaya ako sumuko]. Dahil po sunud-sunod na ‘yong nababalitaan ko na namamatay. Natatakot po akong baka ako na ‘yung sumunod na bumulagta sa kalsada,” ayon naman kay Ryan, na may apat ding anak.
Ang dalawa ay dati nang magkaibigan at halos sabay ding gumamit ng droga hanggang magbenta ang mga ito.
“Magkadikit talaga kami. Sa presyuhan, ako magsasabi sa kanya na ‘Ngayon ang pinakamura P150. Isang sachet na ‘yon ng shabu. Ang pinakamahal na hawak ko P1,000,” ani Rodel.
“Kapag may mga (police) operation naman, may nagtitimbre na sa amin ng mga tropa ko kaya nasasabihan ko rin siya na tago muna, palamig muna kumbaga,” paglalahad naman ni Ryan.
Ang droga na kanilang ibinebenta ay sinasabing nanggagaling sa “laylayan ng mga drug lord.” May koneksiyon umano ang mga ito sa high-profiled drug lords na nakakulong na sa Mandaluyong City Jail, ngunit tuloy pa rin sa kanilang operasyon. (MARTIN A SADONGDONG)