Nakopo ni swimming sensation Hannah Dato ang tatlong bronze medal sa pagsabak ng Team UAAP-Philippines sa 18th ASEAN University Games sa National University of Singapore.
Hindi napantayan ni Dato ang triple gold na nakuha noong 2014 edisyon sa Palembang, Indonesia, ngunit sapat na ang kanyang nagawa para makasama sa medal standing ang Pinoy.
Ang Ateneo de Manila swimmer at produkto ng Palarong Pambansa ay pumangatlo sa women’s 400m individual medley, 100m freestyle at 200m butterfly sa ikalawang araw ng kompetisyon sa swimming para sa mga estudyanteng atleta sa rehiyon.
Matatandaang nakapag-uwi ng kabuuang 10 gintong medalya ang Pilipinas sa edisyon sa Palembang, Indonesia habang mayroon din itong dalawang pilak at isang bronze.
Samantala, muling nakalasap ang Team UAAP-Philippines women’s volleyball ng kabiguan nang pataubin ng Thailand, 24-26, 18-25, 25-23, 24-26. Sunod nitong makakasagupa ang Laos. Nakamit ng Pinay ang unang kabiguan sa kamay ng Indonesia, 25-21, 17-25, 14-25, 22-25.
Ang 2014 ang pinakamatagumpay na kampanya ng Team UAAP-Philippines sapul noong 2008 edisyon sa Kuala Lumpur kung saan nag-uwi ito ng walong ginto, 12 pilak at 21 tanso para sa ikaanim na puwesto. (Angie Oredo)