BEIJING (AP/AFP) — Sinisi ng China ang Pilipinas sa pagpapainit ng gulo at naglabas ng policy paper noong Miyerkules na tinatawag ang kapuluan sa South China Sea na “inherent territory” nito, isang araw matapos sabihin ng Permanent Court of Arbitration na walang legal na batayan ang malawakang pang-aakin nito.

“It is the Philippines that has created and stirred up the trouble,” sabi ni Vice Foreign Minister Liu Zhenmin sa pagpapakilala ng papeles.

Isinulong ng Pilipinas ang arbitration sa international tribunal kaugnay sa ilang isyu sa pag-aagawan ng teritoryo sa South China Sea.

Ibinasura ng tribunal sa The Hague, Netherlands ang mga pang-aangkin ng China sa makasaysayang desisyon.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Itinuturing mang malaking legal declaration ang desisyon sa isa sa world’s most contested regions, hindi pa malinaw ang tunay na epekto nito dahil walang kapangyarihan ang tribunal na ipatupad ito.

Sa bagong policy paper, iginiit ng China ang sovereignty nito sa mga kapuluan sa South China Sea at mga tubig sa paligid nito at kinontra ang “illegal claims and occupation” ng ibang bansa dito.

Sinisi ng paper ang Pilipinas sa paglabag sa kasunduan sa China na ayusin ang mga gusot sa pamamagitan ng bilateral negotiation at sinabing ang Manila “distorted facts and concocted a pack of lies” upang isulong ang arbitration proceedings.

Gayunman, sinabi ni Liu, na bukas pa rin ang China sa mga negosasyon sa Pilipinas, binigyang-diin ang mga positibong pahayag sa isyu ng bagong upong si Pangulong Rodrigo duterte.

“China stands ready to work with the new Philippine government,” sabi ni Liu.

LEGALLY BINDING

Anim na bansa sa rehiyon -- China, Vietnam, Philippines, Malaysia Brunei, at Taiwan - ang mayroong overlapping territorial claims sa South China Sea.

Kasunod ng desisyon, nanawagan si White House spokesman Josh Earnest sa lahat ng partido na “acknowledge the final and binding nature of this tribunal.”

Sinabi ni Australian Foreign Minister Julie Bishop noong Miyerkules na magdurusa ang reputasyon at mga ambisyon ng China na maging world leader kapag binalewala nito ang desisyon sa South China Sea.

“To ignore it would be a serious international transgression,” komento ni Bishop sa Australian Broadcasting Corp.

“There would be strong reputational costs.”

Nagpahayag si Japanese Foreign Minister Fumio Kishida na ang desisyon ng tribunal ay “final and legally binding” at dapat itong sundin ng dalawang partido.

TAIWAN WARSHIP

Isang Taiwanese warship ang nagsimulang maglayag patungo sa South China Sea kahapon ‘’to defend Taiwan’s maritime territory,’’ isang araw matapos ang desisyon ng international tribunal na walang makasaysayang karapatan ang China sa dagat at pinahina ang pag-aangkin ng Taiwan sa mga isla roon.

Tinipon ni President Tsai Ing-wen ang mga tropa sa deck ng barko, sinabing determinado ang mga Taiwanese na ipaglaban ang karapatan ng kanilang bansa, bago tumulak ang barko patungo sa kinokontrol na Taiping island ng Taiwan sa Spratly island chain mula sa katimogang lungsod ng Kaohsiung.

Kritikal para sa Taipei na idineklara ng tribunal na ang Taiping, ang pinakamalaking isla sa Spratlys chain, ay isang ‘’rock’’ o bato at walang exclusive economic zone, na nagpahina sa pag-aangkin ng Taiwan sa mga tubig sa paligid ng isla.

‘’This patrol mission will show Taiwanese people’s determination to defend their country’s rights,’’ aniya, bago bumaba sa paalis na barko.