maxey copy copy

Tunay na hindi magkikibit-balikat ang Pangulong Duterte sa kahilingan ng mga atletang Pinoy.

Kinumpirma ni Presidential Executive Assistant Christian “Bong” Go na tinanggap ng Pangulong Duterte ang kahilingan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez para sa courtesy call at send off ng Philippine Team na sasabak sa Rio Olympic, sa Hulyo 18 sa Malacañang.

“Our PSC Chairman texted us about the confirmation of the send-off of 10 athlete that will compete in Rio,” pahayag ni PSC commissioner Charles Maxey.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“The send-off is set at 2:30pm,” aniya.

Tapik sa balikat para sa mga atletang Pinoy ang paglalaan ng oras ng Pangulong Duterte para personal na maipaabot ang pagbati at suporta sa kanilang tagumpay.

“Malaking bagay ito sa ating mga atleta. Mahirap ang pinagdaanan nila at hindi basta-basta ang sakripisyo nila para makalusot sa matinding qualifying,” pahayag ni Maxey.

“Yung maramdaman ng mga atleta na buo ang suporta ng Pangulong Duterte sa kanila, lalong silang magpupursige para maibigay ang karangalan sa bayan,” aniya.

Ito ang unang pagkakataon sa nakalipas na anim na taon na makakasama ng mga atleta ang Pangulo sa isang send-off.

“Ang nakatutuwa nito sa Malacañang pa. Matagal-tagal na ring akong hindi nakakatungtong sa Palasyo,” masayang pahayag ni long jump SEA Games record holder Marestela Torres-Sunang.

Sa nakalipas na administrasyon, hindi nakatikim ang mga atletang Pinoy ng personal na pagbati mula sa dating Pangulo.

Ikinasasama rin ng loob ng mga atleta na hindi man lamang nasasama sa SONA ang sports, sa kabila ng kaliwa’t kanang tagumpay ng ilang indibiduwal sa sports.

“Sa SEA Games medyo nahirapan tayong makaangat. Pero maraming indibiduwal na atleta at ilang world meet din naman na umangat ang Pinoy pero hindi naman napansin ng Malacañang,” sambit ni Torres.

Una nang sumulat si Ramirez sa mga mas nakakataas nitong opisyales para mabigyan ng pagkakataon ang mga pambansang atleta na makadaupang-palad si Pangulong Durete bago sila tumulak patungong Rio Games na nakatakda sa Agosto 5-21.

“Gusto talaga ng pangulo na makita niya ang mga pambansang atleta,” pahayag ni Ramirez.

May kabuuang 10 atleta ang kumpirmadong makakalaro sa Rio Olympics na kinabibilangan nina Eric Shauwn Cray, Marestella Torres at Mary Joy Tabal sa athletics; Rogen Ladon at Charly Suarez sa boxing; Nestor Colonia at Hidilyn Diaz sa weightlifting; Ian Lariba sa table tennis, Kirstine Elaine Alora sa taekwondo at Miguel Tabuena ng golf.

Posible pa itong madagdagan kung makakaabot si Dotie Ardina sa women’s golf at ang dalawang swimmer batay sa universiality slot.