IBAAN, Batangas – Isang malawakang petisyon sa pamamagitan ng social media ang isinusulong at planong idulog kay Pangulong Duterte ng isang grupo sa Ibaan, Batangas upang linisin at buhayin ang mga ilog na napabayaan at namamatay.

Ang petisyon na inilunsad ng Klub Iba noong Hulyo 7 ay nakakalap na ng mahigit 200 pirma sa kasalukuyan at patuloy pa ring nangangalap ng mga susuporta rito.

Ayon kay Manolito Sulit, founder ng Klub Iba, matagal na silang nagsasagawa ng boluntaryong paglilinis sa mga ilog partikular, sa Ibaan na ginagawang daluyan ng dumi mula sa kaliwa’t kanang babuyan ng mga negosyante at mga residente.

Aniya, kadalasang nakatuon ang gobyerno at mga environmentalist group sa paglilinis sa coastal areas, mining at mga planta ngunit walang nagmamalasakit sa seryosong paglilinis at pagmamantini sa mga ilog.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nais nilang isulong ang petisyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agrarian Reform (DAR) hanggang sa Malacañang para istriktong maipatupad ang RA 9275 (Clean Water Act) na hindi, anila, nabibigyang-pansin ang mga ilog.

“Dahil RA naman ‘yan, malamang, ipinatutupad sa ibang lugar. Pero hindi sa lahat. Gusto nating maging prioridad ito ng pamahalaan kaugnay ng layunin nitong food sufficiency at environmental protection. “Pag marumi ang tubig, sira rin ang ating mga sakahan.”

Iginiit din ni Sulit na maipatupad ang regulasyon sa pagtatayo ng mga babuyan at manukan malapit sa mga ilog, at matigil ang pagtatapon ng domestic wastes nang direkta sa ilog. (Lyka Manalo)