ANG tindi talaga ng AlDub supporters. As early as 9 AM kahapon, opening ng Imagine You & Me movie nina Alden Richards at Maine Mendoza, nakatanggap na kami ng mensahe na mahaba na ang pila sa malls at hinihintay na lang magbukas para makapasok para sa 11AM screening.
May mga ipinadala ring litrato sa amin na paikot na ang pila sa Robinson’s Malolos at sold out na ang 11 AM screening. May ibang mga sinehan ding nai-post sa #ALDUBImagineYouAndMe na mahahaba rin ang pila.
Tinotoo ng AlDub Nation ang narinig naming usap-usapan noong Martes ng gabi sa advance screening ng Imagine You & Me na aagahan daw ng bawat grupo sa iba’t ibang lugar ang pagpila para hindi sila maubusan ng tickets.
Mukhang nagkamali kami sa obserbasyon noon na ‘fad’ lang ang AlDub dahil sa kalyeserye ng Eat Bulaga. Sabi pa nga namin sa producer na kaibigan ng pamilya ni Maine, masasabing sikat na talaga sila kapag may hit movie na.
Sa advance screening ng Imagine You & Me, full house ang dalawang sinehan sa SM Megamall at dahil maraming hindi nakapasok ay parang trapik sa Edsa ang mga tao sa loob ng sinehan. Pero matiyaga pa ring naghintay ang supporters sa labas na umabot ang pila hanggang sa hallway ng buong 3rd floor ng gusali.
Ang mga nawalan ng upuan, sa lapag nagsiupo at may mga dala-dalang pagkain, as in naging picnic ground ang dalawang sinehan.
Sulit naman ang ibabayad ng mga manonood sa Imagine You & Me dahil maayos ang pelikula, malinaw ang kuwento na kasing linaw ng mga shot ni Direk Mike Tuviera dahil ang ganda ng Italy, at marami siyang big scenes. Talagang na-maximize nila ang kagandahan ng bansa, as in marami silang napuntahang magagandang lugar at restaurant na hindi pa natin napanood sa local movies.
Hindi rin trying hard ang pagsaksak ni Direk Mike ng mga produktong iniendorso nina Alden at Maine tulad ng McDonalds na iniabot ng pamangkin ng aktres para hindi raw siya magutom sa biyahe at Betadine na ipinanggamot nito sa siko dahil nadapa sa kahahabol sa aktor.
Sa Italy ang entire shooting ng pelikula kaya mag-i-enjoy ang lahat ng manonood sa quality ng pelikula.
Actually, gasgas na ang kuwento, pero malinaw na kaya nagpunta ng ibang bansa si Maine bilang si Gara ay para tulungan ang pamilyang naghihirap (ipinakita sa pelikula) at hindi na siya kayang pag-aralin ng ama.
Samantal, pumunta rin doon si Alden as Andrew para sundan ang girlfriend na si Jasmine Curtis as Isay na tinanggihan ang alok niyang kasal noong pareho silang nasa Pilipinas.
Bukod sa trabaho, hoping din si Maine na makahanap ng boyfriend na hindi pa niya nararanasan hanggang sa nakita niya si Alden sa park na madalas siyang malungkot at malalim ang iniisip.
Ninakaw ang bag ni Alden at nakihabol din si Maine sa magnanakaw pero hindi sanay ang binata sa lugar kaya naligaw.
Ang dalaga ang nakahanap sa magnanakaw at nabawi ang bag.
Small world ang kuwento, dahil ang Pinay na amo ni Maine na si Irma Adlawan ay napangasawa ang tatay ni Alden na isang Italyano na namatay na.
Malinaw din ang kuwento na hindi feel ni Alden ang stepmom niya, na dating caregiver ng ama, dahil inakalang inagaw ang tatay niya sa kanyang ina.
Pero ang totoo, nanay ni Alden ang nangaliwa sa isang Pinoy at umuwi ng Pilipinas na dala siya noong bata pa kaya hindi na niya nakagisnan ang amang namatay.
Bilang caregiver, si Irma at ang tatay ni Alden ang parating magkasama sa hirap at lungkot kaya nagkagustuhan. Ideal stepmom si Irma dahil kahit na hindi maganda ang pakitungo sa kanya ng stepson ay inuunawa niya ito.
Nagkakilala sina Maine at Alden sa bahay nila at nagkaroon ng gusot dahil sa bag na ninakaw pero nagkaayos din.
Raketera si Maine at isa sa amo niya si Jasmine na hindi naman niya alam na ang ex-gilrfriend pala ni Alden na matagal nang hinahanap pero ayaw magpakita dahil malapit nang mamatay sa sakit na leukemia.
Hindi na namin ikukuwento ang buong pelikula para may surprise pa sa mga manonood na tiyak na mag-i-enjoy lalo na sa ending na nakakabingi ang mga hiyawan, kantiyawan, tawanan at talunan ng fans sa loob ng sinehan. Grabe, nagtatalon talaga sila.
Okay naman ang acting ni Alden, sabi nga ng lahat ay kahawig siya ni John Loyd Cruz pati pananamit.
Samantala, hindi mo naman hahanapan ng bigat ng pagganap si Maine dahil nagsisimula pa lang, pero ang maganda ay nakakaarte naman at hindi siya conscious kung hindi siya mahal ng kamera dahil nga sa laki ng bibig niya at mga ngipin. Pero kapag seryoso na ang dalaga ay maganda naman at halatang alta lalo na kapag nagsasalita na siya ng Italian, maganda ang diction.
Ang laki rin ng tulong ng karakter nina Kakai Bautista at Cai Cortez bilang mga kaibigan at housemate ni Maine dahil sila ang tagapakinig at tagapayo sa nagiging problema ng dalaga kay Alden.
Hindi na kukuwestiyunin ang acting ni Jasmine, nai-deliver niya nang maayos ang karakter na maysakit na malapit nang mamatay. Kahit third wheel lang siya sa kuwento, markado naman dahil siya ang dahilan kaya nagkakilala sina Andrew at Gara sa Italy.
Sa nakita naming reaksiyon at feeback ng fans sa premiere night, at sa haba ng mga pila sa mga sinehan sa pagbubukas kahapon, ay mukhang hindi imposibleng ma-hit nito ang biru-biruang P1B gross. Katunayan, as of press time ay halos 100 na ang scheduled block screening, iba pa ‘yung international screenings.
Well, hindi naman kami magugulat na kayang punuin ng fans ang lahat ng sinehan dahil ‘yung 55,000 seating capacity nga ng Philippine Arena umapaw nu’ng gawin ang “Sa TamangPanahon”. (REGGEE BONOAN)