CABANATUAN CITY - Habang pahaba nang pahaba ang listahan at ng napapatay sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga, iniulat ni Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron Aquino na umaabot na sa 6,657 drug user at 558 pusher ang kusang-loob na sumuko sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa Central Luzon.
Ayon kay Aquino, batay sa inisyal na datos, sa Bulacan ang may pinakamaraming sumukong sangkot sa droga sa buong Region 3, kasunod ang Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Bataan, Zambales at Aurora.
Aniya, ang mga sumuko ay pawang dumaan sa counselling, profiling, identification at iba pang proseso.
Gayunman, nilinaw ni Aquino na patuloy ang monitoring ng pulisya sa mga sumuko upang matiyak na paninindigan ng mga ito ang ipinangakong pagbabagong-buhay. (Light A. Nolasco)