Pinahintulutan na kahapon ng Sandiganbayan si dating Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. na pansamantalang makalabas ng kulungan upang sumailalim sa dental surgery sa loob ng tatlong araw.
Sa ruling ng 1st Division ng anti-graft court, maaari lamang makalabas ng kulungan si Revilla mula kahapon (Hulyo 13), Hulyo 16 at Hulyo 23.
Binanggit ng hukuman na sa tinatawag na “first stage” ay sasailalim si Revilla sa molar tooth implant surgery sa Hulyo 13 at susundan ito ng post-operation check-up sa Hulyo 16, at sa Hulyo 23 nakatakda ang kanyang stiches removal at stayplate denture reline sa Gan Advanced Osseointegration Center (GAOC), sa The Residences, Greenbelt Center sa Makati City.
Ayon sa korte, ang kanilang resolusyon ay tugon sa mosyon ng dating mambabatas para sa naturang usapin.
Kaugnay nito, inatasan naman ng korte ang Philippine National Police (PNP) na bigyan si Revilla ng sapat na personal escort upang matiyak ang kaligtasan nito.
Si Revilla ay kasalukuyang nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City dahil sa umano’y pagbulsa ng P224 milyong kickback sa paglalaan ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga bogus foundations na umano’y pag-aari ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles. (ROMMEL P. TABBAD)