Tatlong laro ang mapapanood sa pagtaas ng telon ng 14th Fr. Martin Division 2 Cup basketball tournament sa Sabado (July 16), sa Arellano University gym sa Legarda, Manila.

Haharapin ng last year’s finalist Arellano University ang Centro Escolar University-B sa ganap na 9:30 ng umaga, habang magtutuos ang Far Eastern University at CEU-A sa unang laro sa ganap na 8:00 ng umaga.

Magkakasubukan naman ang San Benildo kontra FEU sa 11:00 ng umaga.

Sa Linggo, sisiklab ang hidwaan sa pagitan ng Manila Patriotic School at San Beda-Rizal sa junior game dakong 9:30 ng umaga sa St. Placid gymnasium sa San Beda-Manila campus sa Mendiola.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Isusulong ng San Beda-Manila ang kampanya kontra Makati Gospel College sa ganap na 8:00 ng umaga, habang maglalaban ang Letran at Xavier School sa 11:00 ng umaga.

May kabuuang 29 na koponan ang sasabak sa senior at junior division ng naturang torneo.

Pangungunahan ng defending champion Ateneo ang 15 koponan sa seniors, habang may 14 high school squad, ayon kina chief organizer Edmundo “Ato” Badolato at commissioner Robert de la Rosa.

Kabilang sa senior division ang Letran, St. Michael, Adamson University, San Sebastian College, Arellano University, San Beda College, Mary the Queen College, Colegio San Agustin of Binan, Diliman College, Far Eastern University, Centro Escolar University-A and CEU-B, at University of Perpetual Help-Cavite.

Sasabak naman sa junior class bukod sa MPS ang reigning UAAP champion National University, La Salle-Zobel, St. Michael, San Benildo, San Beda-Mendiola, San Beda-Rizal, Xavier School, Hope Christian School, Chiang Kai Shek College, Makati Gospel College, CSA-Binan, Adamson, at FEU.