TULAD ng dapat asahan, sumusulpot ang kawing-kawing na epekto ng mga pahayag hinggil sa pagtataas ng suweldo ng mga kawani, hindi lamang sa gobyerno kundi maging sa pribadong sektor. Kamakailan, halimbawa, tandisang ipinahayag ni Presidente Rodrigo Duterte ang planong itaas nang doble ang sahod ng mga pulis bilang pagkilala sa kanilang mga pagsisikap na lipulin ang matinding problema sa kriminalidad, lalo na ang illegal drugs. Maliwanag na nadarama ng Pangulo ang panganib na laging sinusuong ng mga alagad ng batas sa pagtugis sa mga naghahasik ng karahasan sa lahat halos ng sulok ng kapuluan; katuwang sa ganitong misyon ang militar at iba pang ahensiyang pang-seguridad na marapat din namang masayaran ng biyayang balak ipagkaloob sa mga pulis.

Maaaring may kaakibat na pangingimbulo o inggit, subalit dapat din namang iparamdam ng mga guro ang kanilang matinding pangangailangan sa dagdag na sahod na matagal na rin naman nilang inaasam. Tahasan ding ipinahayag ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), halimbawa, ang P10,000 across-the-board increase para sa mga guro sa mga paaralan ng pamahalaan.

Marapat din namang kilalanin ang makabuluhang tungkulin na ginagampanan ng mga guro sa paghubog ng kaisipan ng mga mag-aaral, lalo na ng mga kinder at elementary pupil; sila ang nagbubukas ng landas tungo sa pagtatamo ng ibayong edukasyon ng mga mag-aaral; sila ang instrumento sa pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo sa bansa. Ang mga biyaya na maipagkakaloob sa naturang sektor ng edukasyon ay dapat lamang namang asahang matatambalan ng matino at marangal ding sistema ng pagtuturo.

Ang gayong mga kahilingan ay hindi naman maituturing na isang kalabisan lalo na nga kung ito ay nakaangkla sa itinatadhana ng Salary Standardization Law (SSL). Ang naturang batas ang magugunitang pinagbatayan ng pagtataas kamakailan ng suweldo ng mga kawani ng gobyerno; kabilang dito ang pagtataas ng sahod ng Pangulo ng Pilipinas na umaabot sa daan-daang libong pisong monthly pay.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa bahaging ito, hindi rin maiiwasang umalma ang mga naglilingkod sa pribadong sektor, lalo na ang daily-wage earners. Matagal na rin silang umaasam ng dagdag na biyaya sa kanilang pinaglilingkuran na ang karamihan ay nananatili lamang manhid at bingi sa karaingan ng mga manggagawa. Hindi isang kalabisang sila ay saklolohan ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang maibsan naman ang kanilang kahirapan.

Sa kabila ng lahat ng ito, walang dapat makaligtaan sa pagkakaloob ng anumang biyaya sa mga manggagawa, lalo na sa mga biktima ng tinatawag na “over-worked, under-paid sectors”. (Celo Lagmay)