Pahihintulutan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga regular na taxi na magsakay ng pasahero sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na simula ngayong Miyerkules ay bubuksan na ang apat na NAIA terminal para sa mga regular o puting taxi upang makasapat sa dagsa ng pasahero sa airport.
Aniya, magtatalaga ang MIAA ng lane para sa mga regular taxi sa harap ng apat na terminal para mas maraming pagpipiliang transportasyon ang mga pasahero.
Dagdag pa ni Monreal, hindi na kailangang sumailalim ang mga regular taxi sa kaparehong accreditation process na ipinatutupad ng MIAA para sa lahat ng pampublikong sasakyan sa paliparan ngunit dapat na hindi ang mga ito magsasamantala sa mga pasahero, at laging gagamit ng metro sa halip na mangontrata.
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, sinabi ni Monreal na bibigyan ang pasahero ng taxi slip na nasusulatan ng pangalan ng driver, operator at plaka ng taxi, at hotline number ng MIAA, at may kopya rin nito ang dispatcher ng NAIA.
Tiniyak din ni Monreal sa mga pasahero na ang anumang reklamo nila laban sa mga taxi ay mareresolba sa loob ng 72 oras, kasabay ng banta na iba-ban sa mga terminal sa NAIA at babawian ng lisensiya ang mga pasaway na taxi driver.
Sinabi rin ni Monreal na posible ring buksan ang NAIA sa mga pampublikong jeep at bus. (Ariel Fernandez)