Mga laro ngayon:

(Philsports Arena)

11 n.u. -- IEM vs Sta. Elena

2 n.h. -- PAF vs Cignal

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

4 n.h. -- BaliPure vs Laoag

6 n.g. – PAF vs Pocari Sweat

Susubukan ng Philippine Air Force at Pocari Sweat na makuha ang momentum sa paglarga ng Game One ng best-of-three championship sa Shakey’s V-League Season 13 Open Conference ngayon, sa Philsports Arena.

Umusad ang Jet Spikers sa kampeonato matapos walisin ang Lady Warriors, 20-25, 25-17, 25-22, 25-15, sa kanilang semifinals match noong Hunyo 27.

Ngunit, para kay coach Jasper Jimenez, malaki ang pagkakaiba ng Finals.

“Kailangang mag-step up, hindi lang sa iisang player, pati ang buong team. Siyempre nandiyan ang pressure pero nama-manage dahil nandiyan ang mga beterano,”ani Jimenez.

Ang duwelo na magsisimula ng 6:00 ng gabi sa pagitan ng Air Force at Pocari ay magtatampok din sa tapatan ng dalawang top MVP contenders na sina Judy Caballejo at Myla Pablo.

Nakabawi sa pagkawala nina dating University of Santo Tomas standouts na sina Rhea Dimaculangan at Maika Ortiz na sinundan pa ng pagkawala ni middle hitter na si Dell Palomata sa kalagitnaan ng torneo, hindi natinag sa pamumuno si Caballejo upang giyahan ang Jet Spikers sa kauna-unahang final appearance.

Naniniwala si Jimenez na si Caballejo ang siyang nagsisilbing lider ng kanilang koponan at karapat- dapat ito sakaling makamit ang pinakamataas na individual award. Ngunit pinakamahalaga aniya sa kanila ay manalo.

“Okay na rin si Judy na maging MVP, basta gusto naming mag-champion,” ani Jimenez.

Para naman kay Pablo, inaasahan ng dating National University star na mapapanatili ang magandang performance.

“Alam ko suportado ako ng mga teammates ko at gusto kong suklian ang tiwala at suportang ibinibigay nila sa akin,” sambit ni Pablo.

Nais din ng Lady Warriors na bumawi sa nakaraang kabiguan nila sa elimination round sa Jet Spikers na tumapos sa kanilang six-game winning run.

Mauuna rito, magtutuos naman ang Bali Pure at Laoag para sa second runner-up honor sa ganap na 4:00 ng hapon.

Lalaro ang Water Defenders na wala si Alyssa Valdez na kasalukuyang naglalaro sa Team UAAP-Philippines sa 18th ASEAN University Games sa Singapore.

Mauuna rito, sa Spikers’ Turf, tatangkain ng Air Force na ganap nang maangkin ang titulo sa muli nilang pagtutuos ng Cignal sa Game 2 sa ganap na 2:00 ng hapon.

Nakauna ang Jet Spikers sa series opener, 25-19, 25-16, 25-19, noong Hulyo 4. (Marivic Awitan)